DIYALOGO SA HALALAN HILING NG MGA GURO

NAPASUGOD sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila ang isang grupo ng mga guro para igiit ang pagkakaroon ng diyalogo o pakikipag- usap sa komisyon.

Layon sa isinagawang pagkilos ng mga guro ay para matugunan ng Comelec ang hinaing nila sa pagbibigay serbisyo bilang Electoral Board sa darating na May 9, 2022 national and local elections.

Kabilang na rito ang pagpapataw ng 20% na buwis mula sa dating 5% sa tatanggaping honoraria at allowances sa eleksiyon at ang kawalang linaw sa pangakong overtime pay.

Reklamo ng mga guro na mas mapanganib ang paparating na eleksiyon kumpara sa nakalipas at ang kapalit nito ay ang pagtataas sa buwis sa kakarampot nilang kabayaran sa pagsisilbi sa araw ng halalan.

Sinabi ng mga guro na nais din nilang magkaroon ng linaw kung paano ang gagawin ng Comelec sakaling may guro na tamaan ng Covid 19 sa pagseserbisyo sa eleksiyon.

Sa impormasyon ng mga guro, nasa P6,000 hanggang P7,000 ang honoraria, bukod sa allowances kabilang ang P500 para sa Covid19, P2,000 bilang transportasyon, P1,000 hanggang P2,000 para sa training at P500 para sa komunikasyon. Jeff Gallos