LONDON — Umabante si Novak Djokovic sa kanyang ika-12 Wimbledon semifinals at record-equaling 46th sa Grand Slams nitong Martes.
Dinispatsa ni Djokovic, nagtatangka sa ika-8 titulo sa All England Club at ika-24 na career major, si Andrey Rublev, 4-6, 6-1, 6-4, 6-3, at makakasagupa si Jannik Sinner ng Italy para sa isang puwesto sa finals.
Napantayan ng Serb ang semifinals appearance sa Slams ni retired Roger Federer.
Sinabi ng 36-year-old, naglalaro sa kanyang ika-400 Grand Slam match, na nag-e-enjoy siya sa pagiging “man to beat.”
“I love it. Any player wants to be in the position where all the other players want to beat you,” pahayag niya makaraang mapangalagaan ang kanyang record na walang talo sa Centre Court magmula noong 2013.
“The pressure never goes away every time I come on court.
“They want to get a scalp and the win — but it ain’t happening!”
Samantala, sa women’s play ay ginulantang ni Elina Svitolina si world No. 1 Iga Swiatek, 7-5, 6-7 (5/7), 6-2, sa quarterfinals.
Makakaharap ni Svitolina, ang world No. 76, na nanganak noong nakaraang October at nagbalik lamang sa tour noong April, si Marketa Vondrousova ng Czech Republic para sa isang puwesto sa championship match sa Sabado.
Nagmartsa si unseeded Vondrousova sa last four nang pataubin si fourth-ranked Jessica Pegula, 6-4, 2-6, 6-4.