NAGTUWANG ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Agriculture (DA) upang tulungan ang returning overseas Filipino workers (OFWs) at ang kanilang mga pamilya na pumasok sa agribusiness.
Lumagda ang DMW at ang DA sa isang memorandum of understanding (MOU) noong Miyerkoles sa head office ng DMW sa Mandaluyong upang matiyak ang komprehensibong suporta at technical assistance sa prospective OFWs na nais makipagsapalaran sa agribusiness at gawin itong kanilang kabuhayan kapag nagpasyang hindi na umalis ng bansa.
Ang programa ay bahagi ng entrepreneurship development initiatives ng DMW sa ilalim ng national reintegration program para sa OFWs at kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na bahagi ng pagkilala sa mga sakripisyo at pagsisikap ng OFWs ay ang pagkalooban sila ng viable job opportunities sa bansa, lalo na kapag nagpasya silang manatili na sa bansa.
“Ultimately, we hope to see our OFWs prosper in Philippine agriculture and every business. Our efforts will be harmonized with the DMW to ensure a successful implementation of this initiative,” sabi ni Laurel.
Sa ilalim ng MOU, ang DMW at DA ay magsasagawa ng entrepreneurship development training programs para sa OFWs at kanilang mga pamilya na interesadong pumasok sa agribusiness sector.
Lilikha rin sila ng forums at mga kaugnay na aktibidad para sa mas madaling access at kagyat na pagtugon sakaling may mga katanungan sila.
Samantala, magsasagawa rin ang DMW ng Financial Awareness Seminars and Small Business Management Training (FAS-SBMT) para sa pili at qualified OFWs upang bigyan sila ng tulong na kinakailangan nila sa pagsisimula ng kanilang agribusiness livelihood initiatives.
Kasabay nito, ang DA ay magkakaloob ng enterprise business development services sa prospective OFWs at ikokonekta sila sa markets, financing, resource institutions, at technical support upang tulungan sila na pamahalaan ang kanilang agribusiness venture.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang reintegration ay isang key development agenda ng DMW.
Sa ilalim ng DMWs reintegration programs ang packages ng services at mechanisms na tutulong sa OFWs upang maging produktibo ang kanilang pagbabalik sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Ayon kay Cacdac, ang OFWs ay “co-architects” ng economic development ng bansa, kahit bumalik sila sa Pilipinas at ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa bansa, at matapos ang kanilang overseas employment.
“The agricultural sector is a worthwhile business and investment opportunity for our dear OFWs. The DMW is partnering with the DA to support them as we promote agribusiness as a sustainable and viable program for the reintegration of OFWs,” ani Cacdac.
(PNA)