(DMW, DFA nakikipag-ugnayan sa Kuwaiti authorities) IMBESTIGASYON SA PAGPASLANG SA PINAY DH

NAKIKIPAG-UGNAYAN ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Kuwaiti authorities para sa imbestigasyon sa pagkamatay ng isang Pinay domestic worker.

Sa isang post sa Facebook, nagpahayag din si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ng pakikiramay sa pamilya ni Dafnie Nacalaban.

Sinabi ni Cacdac na ang OFW ay may limang taon nang nagtatrabaho sa Kuwait. Ayon sa kanyang employer, umalis ang Pinay noong Oktubre, na huling pagkakataon din na nakausap niya ang kanyang pamilya.

Batay sa report, ang bangkay ng Pinay ay naagnas na nang makita sa bakuran ng kanyang amo noong Disyembre 31 makaraang i-turn over ang umano’y salarin ng kanyang sariling kapatid.

Ayon kay Cacdac, ang relasyon ng suspek sa biktima at ang timeline ng kanyang pagkamatay ay hindi pa malinaw.

Bilang tugon sa insidente, hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang DMW at DFA na palakasin ang protection mechanisms para sa OFWs at rebyuhin ang umiiral na bilateral labor agreements sa mga bansa na partikular na vulnerable ang migrant workers.

“The killer must be held accountable, and our government must not rest until justice is served,” ani Gatchalian.

Kinumpirma ng DMW na tinutulungan nito ang pamilya Nacalaban, kabilang ang pagsasaayos sa repatriation ng kanyang mga labi.

Ayon kay Cacdac, magpapatuloy ang repatriation process sa sandaling matapos ang imbestigasyon ng Kuwaiti authorities.