IGINIIT ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakatakdang ilunsad ang One Repatriation Command Center sa susunod na linggo.
“Isa na lang ang dudulugan ng mga pamilya ng OFWs para sa shipment of remains, para sa repatriation of stranded or exploited OFWs. And kami na rin mismo ang tatawag sa mga pamilya,” sinabi ni DMW secretary Susan “Toots” Ople.
Magbibigay ang center ng kinakailangang tulong para sa mga OFW at kanilang mga pamilya, sa layuning maiwasan ang mga pangyayari tulad ng pinagdaanan ni Susan Molino matapos mapatay ang kanyang asawang OFW na si Reandro Molino sa Riyadh, Saudi Arabia noong Mayo ng nakaraang taon.
Sinabi ni Molino na kailangan niyang makipag-ugnayan sa ilang ahensiya ng paggawa para maiuwi ang labi ng kanyang asawa.
“Hindi namin alam kung saan mag-uumpisa, kung kanino kami lalapit kung sa Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) ba, Department of Foreign Affairs (DFA), o kung sa embassy o kahit saang ahensiya,” ani Molino.
Sa tulong ng DFA, sa wakas ay naiuwi sa Pilipinas ang labi ng kanyang asawa pagkaraan ng dalawang buwan.
Gayunpaman, hindi makakalimutan ni Molina ang mga paghihirap na kanilang hinarap para lamang maiuwi siya.
“Ang sakit-sakit, tapos tinuturo-turo ka lang, hindi mo alam kung tinuturo ka ba talaga nila sa tama. Sa isang araw iilan ang pinupuntahan namin, pabalik-balik kami,” ayon kay Molino. LIZA SORIANO