KASAMA si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ay binigyang pagkilala ng Department of National Defense (DND) Armed Forces of the Philippine at maging ng Philippine National Police ang mga beteranong Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan, kasarinlan at kapayapaan ng bansa sa paggunita ng ika-82 taong anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.
Sa isang statement ay nagpahayag si DND Secretary Gilberto Teodoro Jr. ng buong-pusong pagpupugay para sa mga Beteranong Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan, kasarinlan, at kapayapaan ng ating bayan.
Magsilbi nawang inspirasyon ang kanilang kagitingan sa pagkakaisa ng sambayanan at sa pagtugon sa mga hamon ng panahon, tungo sa mapayapa, matatag, at maunlad na Bagong Pilipinas.
Nanawagan naman si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa publiko na magnilay-nilay hindi lamang sa mga naging sakripisyo sa nakaraang kundi maging sa mas pagpapatibay pa sa commitment ng ating bansa sa pagtataguyod sa prinsipyo ng demokrasya, kapayapaan, at kalayaan para sa ating bayan.
At para naman sa mga sundalo ay ipinag utos ni Pangulong Marcos na repasuhin ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ang umiiral na benepisyo ng mga sundalong nagkaroon ng permanent disability dahil sa kanilang trabaho.
Sa talumpati ng Pangulo sa ika-82 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Mt. Samat sa Bataan, sinabi nito na dapat masuklian nang tama ang tapang at sakripisyo ng mga sundalo.
Sa nasabing pagtitipon ay inihayag din ni Pangulong Marcos, nararapat lamang na tiyakin ang kaligtasan ng mga kasundaluhan sa pamamagitan ng pagbili ng mga tamang kagamitan.
Kaugnay nito, inatasan din ni Pangulong Marcos ang DND at AFP na suriin at magsumite ng report sa kanya hinggil sa kasalukuyang imbentaryo ng mga kagamitan at supply ng militar
Tiniyak naman ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na mananatiling matatag ang buong hanay ng kapulisan kasabay ng pangakong pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino nang hindi nakakalimutan ang mga naging sakripisyo ng ating mga bayani para sa kinabukasan ng ating bansa.
Samantala sa paggunita sa ika-82 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan o dating tinatawag na Fall of Bataan ay ipinagdiriwang din ang Philippine Veterans Week 2024 na nagbibigay-pugay din sa mga bayaning Filipino veterans na matapang na nakipaglaban noong panahon ng World War II.
Kaugnay nito ay 16 na mga natatanging Pinoy na nag-alay ng kanilang buhay noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig ang ginawaran ng parangal ng Department of National Defense at Philippine Veterans Affairs Office.
Sa pangunguna nina Philippine Veterans Affairs Office Administrator USec. Reynaldo Mapagu, at Defense Undersecretary for Civil, Veterans, at Reserve Affairs Pablo Lorenzo ay ginawaran ang mga ito ng United States Congressional Gold Cross Medal na ipinagkakaloob naman sa mga natatanging indibidwal na malaki ang naiambag sa kasaysayan, kultura, at siyensya sa Amerika.
Samantala, pito sa mga WW2 Filipino veterans ang nabubuhay pa habang ang siyam naman na iba pa ay pawang mga sumakabilang buhay na ay binigyan naman ng Posthumous Awards. VERLIN RUIZ