DND-AFP NAGTATAG NG ELITE FORCE SA NEGROS

KINUMPIRMA ni Defense Officer In-Charge Senior Undersecretary Carlito Galvez ang pagde-deploy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Elite Light Reaction Company sa Negros Oriental.

Ani Galvez, binubuo ito ng 50-man Light Reaction Team mula Cotabato na pawang Marawi Siege veterans para ipakalat sa nasabing lalawigan.

Paliwanag ni Galvez, nais ni Pangulong Bongbong Marcos na ibalik na sa normal ang sitwasyon sa lalawigan, tiyakin na ang peace and order upang makampante ang taong bayan at dakpin ang mga nalalabing suspek sa Degamo slay case.

Bukod pa rito, bumuo rin ng Joint Special Task Force na kinabibilangan ng 2 brigades at 6 battalions na layuning hanapin ang mga nalalabing suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa noong Sabado.

Ipinaalerto na rin ni AFP chief of Staff , General Andres Centino ang anim na battalion mula sa Negros Oriental at Occidental para sa mabilis na mobilisasyon sakaling may biglaang pangangailangan.

“The president has ordered the creation of a joint task force in order to supress all forms of lawless violence and restore peace and order in negros island as soon as possible. this joint task force Negros shall be composed of AFP units based in the area and augmented by troops from outside of Negros,” pahayag ni Centino. VERLIN RUIZ