DND NAGPATAWAG NG IMBESTIGASYON SA PHOTOSHOPPED PRESS RELEASE

INIUTOS ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa pinakalat na umano’y manipulated photo release ng Philippine Army at papanagutin kung may dapat na managot   sa umano’y kasiraan sa kredibilidad ng hukbong sandatahan.

Ito ay makaraang makarating sa kaalaman ni Secretary  Lorenzana ang pinalabas na photo release mula sa Philippine  Army 9th Infantry Division.

“I have directed the CG Army to make an inquiry. Sanctions will be meted to those who perpetrated it. This is  very serious because it undermines the efforts of the whole organization, the AFP. The military is doing well enjoying an unprecedented high trust rating from the people. And now this? This action is unacceptable,” ayon pa sa opisyal.

Nabatid na ipinag-utos na ni AFP Chief of Staff General Noel Clement ang pagsasagawa ng malalimang imbestigas­yon hinggil sa pangyayari kung saan ay na­bisto na manipulated ang litrato ng mga umano’y sumukong rebelde na isinama sa  press release ng  9th Infantry Division.

Ayon kay Gen Cle­ment, malinaw na polisiya sa AFP na ang mga press release ay dapat na masusing irerebisa at bina-validate.

Agad namang hu­mingi ng paumanhin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos na batikusin ang minanipulang larawan sa mga sumukong  NPA sa Masbate na halatang pinahilera sa harapan ng mga baril  habang ang ilan ay pinalabas na may mga hawak na sandata.

Sinabi ni Major Ricky Aguilar, tagapagsalita ng 9th Infantry Division, na ang ginawa nilang pag-photoshop ay para matiyak ang kaligtasan ng mga sumukong NPA na hindi kinagat ng mga kasapi ng media, lalo na mula sa Defense Press Corps.

Tiniyak nito na hindi na mauulit pa ang nasabing pagkakamali.“We apologize for the honest mistake. We are hoping for your kind understanding,” ani Aguilar. VERLIN RUIZ

Comments are closed.