IKINATUWA ng Department of National Defense ang magandang gesture na ipinahatid ng may-ari ng Chinese vessel na nakabangga sa fishing boat ng mangingisdang Pinoy sa Recto Bank noong Hunyo.
Subalit, inihayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na dapat ding magbayad ang may-ari ng Chinese vessel na sangkot sa aksidente.
Ayon kay Lorenzana, masaya siya na sa wakas ay humingi ng tawad ang may-ari ng barko ng China sa mga Filipino fisherman subalit hindi umano sapat ang paumanhin lamang.
Kailangan aniyang mabayaran ang nasirang bangka at ang nawalang kita ng mga mangingisdang naapektuhan.
Tugon ito ni Lorenzana kasunod ng pahayag ng may-ari ng Chinese vessel na humingi ng paumanhin ilang oras bago sila dumating ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa China para sa official visit.
Ayon sa may-ari na bagaman aksidente ang nangyari ay dapat naging responsable ang Chinese fishing boat sa insidente.
Magugunitang umani ng matinding pagbatikos ang China sa nasabing aksidente dahil sa ginawang pag-abandona ng mga tripulante sa mga mangingisdang Pinoy na ilang oras na nagpalutang-lutang bago nasagip ng Vietnamese fishing vessel. VERLIN RUIZ
Comments are closed.