DND, NSA AT DFA GUMAWA NG SAMA SAMANG PAHAYAG SA WPS

GUMAWA ng sama samang pahayag ang Department of National Defense National Security Council at Department of Foreign Affairs matapos ang sabihin ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na siya ring tumatayong chairman ng National Maritime Council, na ang mas agresibong aksiyon ng Chinese forces laban sa tropa ng Pilipinas para harangin ang resupply mission sa Ayungin Shoal ay marahil isang hindi pagkakaunawaan o isang aksidente.

Sinabi rin ni Exec. Sec. Bersamin na hindi pa aniya maiuuri ito bilang isang armadong pag-atake.

Ayon sa tatlong kagawaran, humiling sila ng isang pulong balitaan upang ibahagi ang mga kaganapan sa pagdalaw ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Headquarters ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines sa Palawan.

Matapos umano ang personal na pakikipag-pulong ni Pangulong Marcos sa mga sundalo ng Wescom na nagsagawa ng RORE mission sa Ayungin Shoal noong ika-17 ng Hunyo at sa mga kawani at opisyal ng AFP Western Command, siniguro ng Pangulo ang kanyang suporta sa katapatan sa tungkulin at katapangan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) sa pagdepensa ng ating teritoryo.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na; “history itself can tell that we have never, never in the Philippines yielded to any foreign power. We owe to our forefathers the duty to keep the freedoms that they fought, bled and died for, and that they presently enjoy. Kailanman ay hindi tayo magpapasupil at magpapaapi kahit na kanino man.”

Dito ipinahayag nina Defense Secretary Gilberto Teodoro, NSA Eduardo Año at DFA Acting Secretary Ma. Theresa Lazaro na “Nais naming linawin na ang polisiya ng pamahalaan sa West Philippine Sea ay hindi nagbago na nakabatay sa pahayag ng Pangulo sa maraming pagkakataon na; “we will not give up an inch, not even a millimeter of our territory to any foreign power.”

Patuloy nating ipaglalaban ang ating paninindigan sa ating teritoryo at isusulong ang karapatang pang soberanya.

Hindi natin kailangan ang pahintulot o pagpapaalam mula sa kahit sinuman upang gampanan ang ating tungkulin sa West Philippine Sea.

“Dahil dito, ipagpapatuloy natin ang regular na pagtatalaga ng mga sundalo at pagpapadala ng kanilang mga pangangailangan sa BRP Sierra Madre.

Binigyan diin ng Pangulo na hindi ipapalathala ang mga iskedyul ng mga RORE mission.

Binigyang diin din ng tatlong Cabinet Secretary na: “Hindi namin itinuturing na isang aksidente o hindi pagkakaunawaan ang pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal kundi, ito ay sadyang pagkilos ng rehimen ng Tsina upang harangin ang ating misyon.”

“Matapos ang aming pagdalaw kahapon (nakalipas na linggo) sa ating mga tropa sa Palawan kung saan personal na kinausap ng Pangulo ang mga tropa na sumama sa misyon, humantong kami sa konklusyon na hindi isang aksidente or hindi pagkakaunawaan ang naganap sa Ayungin.”

Bagamat hindi namin minamaliit ang nakakalungkot na pangyayari, ang ginawa ng Chinese Coast Guard at sundalo ng Tsina ay isang agresibo at ilegal na paggamit ng dahas.

Gayunpaman, patuloy ang aming paghahanap ng mapayapang solusyon sa isyung ito. Sa atas ng Pangulo, “we are not in the business to instigate wars. The Philippines is a responsible state. We will continue to exercise our freedoms and rights in support of our national interest, in accordance with international law.”

Sinasabing nagbigay inspirasyon sa Pangulo ang tapang at dedikasyon ng ating mga sundalo sa Wescom.

Nakasisiguro sila na patuloy na susuportahan ng administrasyong ito ang buong sandatahang lakas sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin upang depensahan ang ating teritoryo, soberanya at karapatan sa ating nasasakupan. VERLIN RUIZ