DND PABOR SA SIM CARD REGISTRATION

SIM CARD REGISTRATION

INIHAYAG ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pabor ang kagawaran sa panukala ng gobyerno na pagpaparehistro sa lahat ng Subscriber  Identity  Modules o SIM card ng kahit anong telecommunication company.

Ito ay bahagi ng security measure na nakikita ng Defense Department base sa mga kinakaharap na mga makabagong banta ng terorismo.

Ibinigay  na halimbawa ni Defense Secretary Delfin Lo­renzana na nagagamit ang SIM card para makumpleto ang isang electronic triggering device para sa  mga bomba.

Posibleng magamit na rin umano sa mga susunod na araw ang nasabing system sa  CBRN (chemical, biological, radiological, nuclear at high yield explosives).

Ayon kay Sec Lorenzana, nakikita na nila ang paglaganap sa paggamit ng CBRN materials na hindi lamang banta sa Filipinas kundi sa buong mun-do.

Isa pa sa nais tutukan ni Lorenzana ay ang peligrong dulot ng  attacks  sa cyberspace na maaari umanong magpabagsak sa ekonomiya o dumurog sa isang bansa sa loob lamang ng isang araw.

Ayon sa kalihim, pangunahing target ng cyber terro­rism ang vital economic and security mechanisms.

Isang maliit na halimbawa na ibinigay ni Lorenzana ang nangyaring Bangladesh central bank heist kung saan ay nasangkot pa ang isang bangko sa Filipinas.

Sa loob lamang umano ng ilang minuto ay kayang pilayan nito ang ekonomiya ng buong bansa.

Dapat umanong maging babala ito para patatagin ang civilian at military networks.

Magugunitang isa sa mga isyu sa pagpili ng third telco ang network and data security. VERLIN RUIZ

Comments are closed.