NAHILO at nag-collapsed si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa 124th Independence Day celebration sa Luneta Park nitong Linggo ng umaga.
Agad na isinakay sa naka-standby na ambulansya ang kalihim.
Si incoming Manila Mayor Dra. Honey Lacuna ang isa sa mga nagtakbo sa 71-anyos na si Lorenzana sa ambulansiya na naka-park malapit sa lugar ng pagtitipon kung saan naroon si Pangulong Rodrigo Duterte at ilang cabinet officials na dumalo sa selebrasyon.
Agad din namang itinuloy ang pagdiriwang matapos na umalis ang ambulansya sakay ang kalihim.
Habang sinusulat ang balitang ito, nagpahayag si Lorenzana na maayos na ang kanyang pakiramdam sa isang ospital subalit kailangan munang magpahinga at sumailalim sa battery of test.
Nabatid na sunod sunod ang engagement ni outgoing DND secretary sa iba’t ibang kampo militar.
Nabatid na bago pa magsimula ang seremonya ay nakaramdam na ng panghihina si Lorenzana na kararating lamang kahapon ng umaga mula sa Singapore at dumalo pa sa nasabing pagdiriwang. VERLIN RUIZ