KAPAG papalapit na ang Pasko, isa sa napakasarap gawin ay ang paglalagay ng dekorasyon. Masarap ding makasama ang pamilya sa pag-aayos at pagde-design ng buong bahay. Bukod sa mapagaganda na ninyo ang inyong bahay, nakapag-bonding pa kayo ng iyong pamilya.
Kung mahilig ka nga naman sa pagdedekorasyon, talagang gagawa at gagawa ka ng paraan para lalo pang mapaganda ang inyong bahay. Iisip at iisip ka ng mga dekorasyong kakaiba at magugustuhan ng iyong mga bisita at siyempre, ng iyong pamilya. Masarap nga naman sa pakiramdam ang napupuri dahil sa pagiging creative natin. Hindi lamang din tayo ang masisiyahan kapag nagandahan ang ating mga bisita sa ginawa nating dekorasyon kundi ang ating pamilya dahil may maipagmamalaki nga naman sila.
At sa mga nag-iisip diyan kung papaano pa nila lalong pagagandahin ang kanilang bahay ngayong paparating na Pasko, narito ang ilang tips na maaari ninyong subukan:
PAGANDAHIN ANG ENTRYWAY
Mas maganda kung sa labas pa lang ng ating bahay, maaaninag at madarama mo na ang diwa ng Pasko. Kaya naman, huwag na huwag nating kalilimutang pagandahin ang ating entryway. Kadalasan, naglalagay tayo ng parol at Christmas lights.
Sa ganito nga namang okasyon, hinding-hindi ito nawawala. Pero bukod sa parol at Christmas lights, marami ka pa ring puwedeng gawin upang lalong magliwanag ang labas ng iyong bahay. Halimbawa na lang ay ang pag-a-arrange ng festive lantern sa may labas ng inyong bahay. Isa ito sa quick-and-easy holiday style.
Puwede ka ring gumamit ng flameless candles na pamalit sa regular pillars. Puwede mo ring ayusin ang malalaki mong nakapasong halaman, lagyan ng mga dekorasyon at ilaw. O kaya naman, magsabit ka sa may pintuan ng two-piece wreath. Tiyak na sa ganitong mga dekorasyon, lalong magniningning ang inyong bahay. Tiyak ding maliligayahan ang mga makakakita sa inyong dekorasyon.
NAKATATAWAG-PANSING CENTERPIECE
Kung sa labas ay maganda na, dapat ay doble ang ganda ng loob ng inyong bahay. Kaya naman, para magkaroon ng buhay ang loob ng inyong bahay, bukod sa paglalagay ng malaki at makulay na Christmas tree, mag-create ka rin ng elegant Christmas center-piece.
Puwede mong ayusin ang dining table mo. Lagyan mo ng magandang table cloth. Kung wala ka namang pampaskong table cloth, puwedeng-puwede mong lagyan ng design ang simple mong table cloth. Kung simple table cloth na kulay pula at puti ang mayroon ka, puwede mo itong lagyan ng bells at ribbons sa may laylayan.
Maaari ring maglagay ng festive fruit sa dining table n’yo. O kaya naman, i-wrap mo ang mga table napkin para magkakulay at gumanda. Simpleng-simple lang ‘di ba pero masisiyahan kayo sa kalalabasan. Napakadali lang din nitong gawin at hindi ka pa ga-gastos ng malaki.
GAWING MAKULAY AT BUHAY NA BUHAY ANG MGA UPUAN
Siyempre, hindi rin dapat kalimutan ang ating mga sofa o upuan—sa loob man o labas ng ating tahanan. Kaya naman para sa pinakasimple at pinakamurang dekorasyon, palitan ang sofa cover ng mga makukulay at may magagandang design.
Maglagay rin ng mga kakaibang pillows. Tiyak na kapag umupo ang mga bisita mo, matutuwa sila sa ganda ng sofa mo.
LAGYAN NG DEKORASYON ANG HAGDANAN
Sa mga tahanang mayroong hagdanan, swak na swak din itong lagyan ng mga makukulay at naggagandahang dekorasyon. Kung gusto mong maging simple lang, puwede kang mag-hang sa stairscase n’yo ng colorful decorations na may simpleng shapes lang.
Kung gusto mo namang maging magical at beautiful, puwede mo itong lagyan ng Christmas lights. Kung white naman ang stair-case ninyo, swak na swak diyan ang green garland na may red accent. Kung gusto mo namang makapag-create ng strong visual impact, kaunting kulay lang ang gamiting pandekorasyon.
Kunsabagay, para mapaganda ang ating mga bahay ngayong Pasko, hindi naman natin kailangang gumastos ng malaki sa pagdedekorasyon dahil kahit na iyong mga nagamit na natin last year, puwede pa rin nating magamit.
Puwede ka rin namang gumawa ng sarili mong dekorasyon. Kaunting dagdag lang, tiyak na mas gaganda na ang bahay mo. Tiyak ding mpangingiti ang iyong pamilya, kakilala at kaibigan.
At dahil minsan lang naman natin ito gawin, pag-isipan na nating mabuti ang mga kakaibang design na maaari nating gawin.
Patulungin din ang buong pamilya nang makapag-bonding kayo. CT SARIGUMBA
Comments are closed.