‘DO OR DIE’ (Ateneo, UP mag-aagawan sa korona)

Laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

6 p.m. – Ateneo vs UP

WALA nang bukas.

Maghaharap ang Ateneo at University of the Philippines sa huling pagkakataon para sa korona sa UAAP men’s basketball tournament ngayong alas-6 ng gabi sa harap ng inaasahang capacity crowd sa Mall of Asia Arena.

Target ng Ateneo ang ika-12 championship sa kabuuan, habang umaasa ang UP na masungkit ang ikatlong titulo — at ang una magmula noong 1986.

Nanatiling buhay ang kampanya ng Blue Eagles para sa four-peat matapos ang series-tying 69-66 victory noong Miyerkoles ng gabi.

Binigyang-diin ni Fighting Maroons coach Goldwin Monteverde ang pangangailangan na mainit na simulan ng kanyang tropa ang laro.

“Sa akin for this game, medyo slow ‘yung start namin. ‘Yung defense namin was not that tight ‘di tulad ng fourth quarter kanina. ‘Yung consistency namin on that part, kailangan mag-improve,” sabi ni Monteverde.

“We needed to be more responsible dun sa bola kasi madami kaming turnovers. Siguro improve din sa mga reads namin on the floor. ‘Yun lang naman ‘yung nasa isip ko,” aniya.

Ang kahanga-hanga sa UP ay hindi ito basta sumusuko kahit malamangan pa ito nang malaki.

Ang Maroons ay humabol mula sa 12-point deficit bago nanalo sa series opener, 81-74, at umahon mula sa 15-point hole bago kinapos sa Game 2.

“For one thing, ‘yung team kase takes pride na we never give up in games, whatever the score is,” ani Monteverde, na nagtatangkang maging unang rookie coach matapos ni Ayo na nagwagi ng titulo sa unang pagtatangka.

“Lumalaban kami hanggang dulo. Pero sa akin, ang biggest takeway nito, whatever mistakes we made awhile ago, nasanay kami na every time after a game, kung ano mga mali, alam namin na dun kami mag-i-improve and definitely we’re gonna work on it,” dagdag pa niya.

“Kahit na ‘yung pagitan ng game one day lang, we still talk about things and really work hard for it.”

Kung ang dalawang Finals games ang pagbabasehan, umaasa si Ateneo coach Tab Baldwin na ang do-or-die clash ay magiging dikdikan.

“I really think that the difference in the game, the two games, were so similar. The difference in the game was we made some big plays at the end. In Game 1, they made big plays at the end” ani Baldwin.

“Apart from that, you can’t really separate these two teams very much from one another so I think Game Three is going to be potentially an epic game and we’re excited that we’re there.”