Laro sa Sabado:
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. – UST vs Ateneo (Women Finals)
SUMANDAL ang Ateneo sa kanilang seniors upang igupo ang University of Santo Tomas, 26-24, 14-25, 25-21, 25-15, at ipuwersa ang Finals sa deciding Game 3 sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa harap ng may 19,672 fans sa Mall of Asia Arena.
Humataw si Maddie Madayag ng 17 points, habang nagdagdag sina Bea de Leon at Kat Tolentino ng 13 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Eagles.
Gumawa rin para sa Ateneo si Jules Samonte, na may 7 hits, kabilang ang tatlong service aces bukod sa 16 receptions, habang nakakolekta si libero Dani Ravena ng 22 digs at 12 receptions.
Nakaganti ang Lady Eagles sa straight sets loss sa Tigresses noong nakaraang weekend upang maipatas ang best-of-three series sa 1-1.
Ang do-or-die match ay nakatakda sa Sabado, alas-3:30 ng hapon, sa parehong Pasay venue.
Samantala, naging mainit ang pagtatapos ni Bryan Bagunas sa pagkamada ng career-high 35 points, 12 digs at 9 receptions nang gapiin ng National University ang Far Eastern University, 24-26, 25-23, 25-23, 25-19, upang mapanatili ang men’s crown.
Winalis ng Bulldogs ang best-of-three series, 2-0, at tinapos ang season na may 16 sunod na panalo makaraan ang shock opening weekend loss sa Tamaraws, na itinuring ni coach Dante Alinsunurin na isang wake-up call.