DO-OR-DIE: Ginebra, Meralco mag-aagawan sa nalalabing finals berth

Laro ngayon:
(FPJ Arena, San Jose, Batangas)

7:30 p.m. – Ginebra vs Meralco

(Game 7, best-of-7 semifinal series)

SA HULING pagkakataon ay maghaharap ang long time good rivals Barangay Ginebra at Meralco sa San Jose, Batangas para sa karapatang makasagupa ang San Miguel Beer sa PBA Season 48 Philippine Cup Finale.

Naipuwersa ng Bolts ang deciding Game 7 ng kanilang best-of-seven semifinal face-off makaraang malusutan ang Gin Kings, 86-81, noong Miyerkoles ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nakatakda ang do-or-die game ngayong Biyernes, alas-7:30 ng gabi, sa FPJ Arena.

Kapwa sinasabi ng dalawang koponan na nakahanda sila para sa showdown na ito na magdedetermina sa matitirang koponan na magkakaroon ng pagkakataon na agawin ang korona sa title-holders.

Isa rin itong magandang chess match sa pagitan ng think tanks ng magkalabang koponan, kung saan namayani sina coaches Luigi Trillo at Nenad Vucinic sa huli sa Game 6 sa pagbalasa sa kanilang mga baraha.

Tumugon si Bong Quinto bilang surprise starter habang gumawa sina Allein Maliksi at Chris Newsome ng malalaking plays sa krusyal na sandali upang tulungan ang Bolts na maitabla ang serye sa 3-3.

“I said it’s not over and this is what we want, a Game Seven,” sabi ni Trillo.

Umaasa ngayon ang Bolts na masundan ang panalo sa inaasahang umaatikabong bakbakan.

At masusubok ang character, kagustuhan at  spirit ng parehong koponan sa kill-or-be-killed tiff na ito.

Nakalalamang ang Kings sa kanilang  storied playoff showdowns, subalit ang Bolts ang nanaig sa kanilang huling  face-off sa nakalipas na Philippine Cup quarterfinals.

Sa best-of-three slugfest noon, nakauna ang Bolts, 93-82, rumesbak ang Kings, 94-87, at kinuha ng Meralco ang clincher sa 106-104 cliffhanger.

At tila gumanda ang chemistry ng Bolts habang ilang key players ng  Kings ang may injuries sa kanilang paghaharap sa isa pang KO match sa Batangas.

Subalit tiyak na naroroon sa ‘giyera’ ang virtual sixth man ng Ginebra – ang crowd.

At sa huli, ito’y  maaaring ang NSD (never-say-die) spirit ng Ginebra laban sa sariling no-surrender attitude ng Meralco.

CLYDE MARIANO