MATAPOS ang kagila-gilalas na Game 6 kung saan naungusan ng Boston Celtics ang Miami Heat para maipuwersa ang decider, muling maghaharap ngayong Lunes (Martes sa Manila) ang dalawang koponan para sa karapatang makasagupa ang Denver Nuggets sa NBA Finals.
At asahan na ang isa pang epic battle sa Boston.
Nahaharap sa pagkakasibak, nalusutan ng Celtics ang Miami, 104-103, noong Sabado, salamat sa makapigil-hiningang buzzer-beater tip-in mula kay Derrick White at naipatas sa 3-3 ang best-of-seven Eastern Conference finals.
Ang Heat ay wala nang isang segundo ang layo sa pagsikwat ng isang puwesto sa NBA Finals kontra Nuggets subalit matapos lumamang sa series sa 3-0, ang Miami ay nahaharap sa posibilidad na maging unang koponan sa kasaysayan ng NBA na natalo matapos ang naturang kalamangan.
Dahil sa momentum at porma, namumuro ang Celtics na makumpleto ang unprecedented comeback subalit mabilis na nagpaalala si Heat coach Erik Spoelstra na ang kanyang koponan ay may ugali na bumawi mula sa pagkatalo.
Ang Miami ay natalo sa unang play-in game sa Atlanta bago ginapi ang Chicago at pumasok sa playoffs bilang eighth seed.
Pagkatapos ay tinalo ng Heat ang top-seeded Milwaukee Bucks bago sinibak ang New York Knicks at kinuha ang surprise three-game lead kontra Boston.
“When we say we did it the hard way, there were some bone-crushing losses where we did the right things, and then last-second shots, just for the wins against us,” sabi ni Spoelstra, na nanalo na ng dalawang NBA championships sa Heat.
“The competitive spirit of this group, we are never to be denied. Even after games like that, we would always come back the next game and find a way to get a win. That’s what we have to do right now.”
Subalit mangangailangan ito ng higit pa sa competitive spirit at ng tamang mindset — kailangan ng Heat na maibalik ni star Jimmy Butler ang kanyang porma mula sa naunang series.
Sa unang tatlong laro sa Eastern Conference finals, bumuslo siya ng 46.0% mula sa field ngunit sa huling tatlo, bumaba ito sa 36.5% at noong Sabado, gumawa lamang siya ng 5-of-21 attempts mula sa floor.
Bukod dito, si Bam Adebayo ay gumawa lamang ng 4-of-16 attempts ngunit sinabi ni Spoelstra na wala siyang pakialam sa naturang mga numero.
“I don’t give a damn what they shot. We were up one. We may win this thing as ugly as it has ever been done. I don’t care what guys shoot,” aniya.
“It’s the competitive will that I’m talking about, and those guys are going to bring it on — it’s the playoffs.”