Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – San Miguel vs Meralco
7 p.m. – Magnolia vs TNT
KAPWA kailangang manalo ng San Miguel Beer at Meralco sa kanilang salpukan sa una sa dalawang krusyal na laro sa PBA Commissioner’s Cup eliminations ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang duelo ng Beermen at Bolts sa alas-4:30 ng hapon na susundan ng sagupaan ng TNT KaTropa at Magnolia sa alas-7 ng gabi.
Target ng Texters ang playoffs top seeding habang aasintahin ng Hotshots ang ika-5 puwesto.
Ang pinal na posisyon na lamang ang paglalabanan ng dalawang koponan dahil pareho na silang nasa magandang kalagayan – twice-to-beat privilege sa playoffs para sa KaTropa at best-of-three quarters spot para sa Hotshots.
“For us, talagang must-win kami,” wika ni SMB coach Leo Austria sa bisperas ng laro.
“Every game namin since three games ago, talagang treatment namin do-or-die na lahat iyan (games), eh,” aniya. “So far, nag-wo-work. Sana bukas din.”
Kailangan namang manalo ng Bolts upang tapusin ang elims na may 4-7 kartada at makatabla ang Alaska at Phoenix sa eighth at last spot sa quarterfinals.
Ang naturang scenario ay maghuhulog sa Fuel Masters sa ika-10 puwesto dahil sa lower quotient habang maghaharap ang Aces at Bolts sa knockout game kung saan ang mananaig ay uusad sa quarterfinals.
Kapag natalo ay babagsak ang Meralco sa ika-11 puwesto at magsasagupa ang Alaska at Phoenix para sa No. 8 ranking.
Mas malaki ang hinahabol ng koponan ni Austria.
Kailangang magwagi ang Beermen upang umangat sa 6-5 record at makopo ang hindi bababa sa ika-6 na puwesto. Maaari pa silang tumaas kapag namayani ang TNT (9-1) laban sa Magnolia (5-5).
Ang mga koponan na magtatapos sa ika-3 hanggang ika-6 na puwesto ay maghaharap sa best-of-three quarterfinals – No. 3 vs No. 6 at No. 4 vs No. 5.
Gayunman, kung matatalo, ang SMB ay babagsak sa ika-6 na puwesto o mas mababa pa kapag nanalo ang TNT laban sa Magnolia. Ang seventh at eighth placers ay may twice-to-win handicaps sa susunod na round laban sa top two teams.
Ang mababang puwesto ang iniiwasan ni Austria. “Kapag nag-No. 7 ka, natsambahan ka wala ka nang chance bumawi, eh,” paliwanag niya.
“Kailangan talagang manalo against Meralco para nasa best-of-three kami.”
Liyamado ang SMB dahil sa kanilang three-game winning streak habang ang Meralco ay may three-game slide. CLYDE MARIANO
Comments are closed.