‘DO OR DIE’(Gin Kings, Dragons agawan sa korona)

Laro ngayon:
(Philippine Arena)
5:45 p.m. – Ginebra vs Bay Area

MAGKAKAALAMAN na kung sino sa Barangay Ginebra at Bay Area ang aangkin sa PBA Commissioner’s Cup title sa paglarga ng do-or-die Game 7 ngayong Linggo sa Philippine Arena.

Naghihintay ang kasaysayan kay coach Brian Goorjian at sa kanyang tropa. Ngunit naghihintay ring maitala ang isang bagong record sa pagsalang ni PBA coach Tim Cone at ng Gin Kings sa laro sa alas-5:45 ng hapon.

Ang Dragons ay maaaring maging unang guest team na nagwagi ng PBA crown magmula nang magawa ito ng Nicholas Stoodley ng United States sa 1980 Invitationals.

Para sa Kings, magkakaroon sila ng pagkakataon na masikwat ang ika-15 korona na maglalagay sa kanila sa posisyon bilang second winningest team, kung saan babasagin nila ang pagtatabla sa Magnolia at Alaska Milk.

Ang momentum ay nasa guest team sa kanilang panalo sa Game 6. Tiyak na gagamiitn ni coach Brian Goorjian ang bentahe para talunin ang crowd favorite Ginebra at dalhin sa Hong Kong ang korona ng Commissioner’s Cup.

Tinalo ng Bay Area ang Ginebra sa Game 6, 87-84, upang ipuwersa ang deciding Game 7.

Muling magkakasubukan sina Justin Brownlee at Myles Powell sa huli nilang paghaharap sa court.

Umiskor si Brownlee ng 37 points at tinalo si Powell na tumipa ng 29 points sa kanilang personal duel.

Target ni Brownlee ang perfect 6-of-6 title campaign sa Ginebra matapos kunin ang ikatlong ‘Best Import’ award ng conference.

Muling kinuha ng guest team ang serbisyo ni Powell bilang import kapalit ni Canadian NBA veteran Andrew Nicholson na nagkaroon injury sa kaliwang paa.

Target ni Cone ang ika-26 PBA title at panatilihin ang kanyang reputasyon bilang pinakamatagumpay na coach sa liga.

Kapwa nagpahayag sina Cone at Goorjian ng kahandaan sa sudden-death Game 7.

Tinawag ni Cone ang Game 7 na “point of no return”. Sinabi ng 64-anyos na veteran bench tactician na gagawin nila ang lahat para masungkit ang korona.

“There’s no turning back but to fight until the end and reclaim the title and keep the crown right in our own backyard,” sabi ni Cone. “I reminded my players to play superior and give their best shots one more time to reclaim the title we last held in 2018.”

CLYDE MARIANO