“DOBLE”

MANG BEN

(Ni CRIS GALIT)

SADYANG mayroon tayong likas na talento na kusang lumalabas, minsan nang mas maaga o habang bata pa lamang tayo, minsan naman kapag mayroon tayong nakasasalamuha na siyang gumigising sa ating likas na kakayahang taglay sa sining at pagkatao – lalo’t higit na kaaya-aya kung gagamitin ng tama at sa kawang-gawa.

Numero at Sining

Natuklasan niya ang kanyang hilig sa pagpipinta noong siya ay dumalo sa isang workshop sa kanilang simbahang kinabibilangan. Lumipas ang panahon at nang makapunta siya sa Saipan, USA bilang isang misyonaryong accountant ng isang paaralan, higit niyang nabigyan ng panahon ang pagpapalawig ng kanyang kaalaman at kakayahan hanggang magkaroon siya ng pagkakataon na makasali sa taunang Flame Tree Festival noong 2006 kung saan itinatampok ang iba’t ibang klase ng sining. Gamit ni Dr. Benjamin Ganapin,  Jr.  ang ‘Mang Ben’ para lagdaan ang kaniyang mga likhang sining. Sa 33 paintings na kaniyang  ipinakita, 29 doon ay nabili sa loob lamang ng tatlong araw. Ang perang kaniyang nalikom ay ibi­nigay naman nya sa isang maliit na samahan dito sa Pilipinas. Iyon ay pasimula ng marami pang exhibitions. Nagkaroon din siya ng ilang painting sessions sa mga batang mag-aaral sa Saipan at Guam at nakatanggap din siya ng Federal Grant para turuan ng sining ang mga kabataan.

Kilala naman siya bilang “Doc Benjie” ng kaniyang mga estudyante sa PSBA graduate school, si Dr. Benjamin Ganapin Jr. ay isang matagumpay na CPA at Consultant na nagmamay-ari ng BVG Accounting and Business Consultancy. Sa kabila ng pagiging metikuloso niya sa larangan ng pananalapi at negosyo, siya naman ay buong layang lumilikha ng iba’t ibang estilo pagdating sa sining. Si Doc Benjie ay isang patunay na maaaring magkasama ang kakayahan sa Numero at Sining.

MANG BEN-2
Isa sa mga proyekto ng foundation ay ang magturo ng kabutihang asal sa mga bata. Sa larawang ito ay ay namahagi ng school supplies, nagturo at nagpasaya sa mga bata na dinayo pa nila sa Isla ng Burdeos, Quezon.

Sining at Pagtulong

Ang Art Exhibit na gaganapin sa Nobyembre 7-15, 2020 sa Brewing Point Café Congressional Extension branch, na may temang “DOBLE”, ay isang fundraising event para sa BVG Foundation. Kasabay nito ang book launching ng “Family Devotion: A Discipline We Ought to do Now” kung saan makikita lahat ng 71 paintings ni Mang Ben bilang illustrations. Kaya “Doble”, gamitin ang sining sa pagtulong. Nakabili ka na ng mga magagandang likhang sining ni Mang Ben, nakatulong ka pa sa iyong kapwa sa pamamagitan ng BVG Foundation. “Doble”, sa pagbili mo ng librong Family Devotion sa halagang P200, isang pamilya na walang kakayanang bumili ng librong ito ay mabibigyan ng libre. Nang magsimula ang covid- 19 pandemya, napagtanto ng pamilyang Pilipino ang kahalagahan ng pagbibigay panahon sa regular na  pagtitipon ng pamilya. Layunin ng Family Devotion na ito na magamit ang lingguhang paksa para mapagkuwentuhan ng pamilya, kabilang ang mga okasyon tulad ng Pasko, Bagong Taon at Semana Santa.

MANG BEN-3
“Muling Pagdating” 24” X 18” Theme: Role in the Society Series: Social Order

Negosyo at Corporate Social Responsibility

Nakaukit sa puso ni Doc Benjie ang pagtulong sa kapwa kaya itinayo nya ang BVG Foundation kasama ng kaniyang mga katrabaho upang tumulong sa mga maliliit na mga samahan. Ang Foundation na ito ay may layunin na magbigay ng pagsasanay sa mga pinuno ng komunidad, kasama ng mga miyembro at volunteers ng mga maliliit na samahan para lalong higit nilang magampanan ng may kaayusan ang kanilang gawain. Tumutulong din na magbigay ng resources ang Foundation kung kinakailangan gaya ng ayuda na naibigay noong pasimula ng quarantine dahil sa biglaang pagtigil ng hanapbuhay ng mga kapwa Pilipino na umaasa lamang ng arawang suweldo. Isang din layunin ng Foundation ay manghimok ng mga kumpanya na mag practice ng corporate social responsibility at magkaroon ng bahagi sa pagtulong sa kapwa tao sa kanilang komunidad.

 

Ang Hamon at Gantimpla

“Tungangatu” 16” X 20” Theme: Struggles Series: Pandemic Series

Sa panahon natin ngayon lalo na’t may pandemya, tayo ay hinahamon na kumilos ng doble. Una, ang hamon na patuloy na pagpapayaman ng ating kakayanan at abilidad upang magamit ang mga ito para makatulong sa kapwa na mas higit na nangangailangan. Kapalit ng pagtugon sa hamon na ito ay ganting-pala o gantimpala na mapasaya ang ating damdamin dahil sa ngiti na nakikita sa mga taong natutulungan. Ang pangalawang hamon ay maturuan din ang kapwa na matulungan nila ang kanilang sarili at dito rin lubos na magiging ganap ang ating gantimpala. Ayon kay Mang Ben, “Gantimpala na alam mong nakagagawa ka ng kabutihan at hindi kasamaan at mapagtanto mo na ang kahulugan at kabuluhan ng iyong pagkatao ay ang tulungan ang kapwa-tao na ayon sa imprenta ng Maylikha. Sa ganitong pamumuhay, matatamasa mo ang lubos na kagalakan at kapayapaan sa iyong buhay.”

Ang Paanyaya at Pakikilahok

MANG BEN-5
“Tulalalala” 16” X 20” Theme: Struggles Series: Pandemic Series

Bisitahin ang mga obra ni Mang Ben at mamangha sa kaniyang mga kakaibang istilo at mensahe ng kaniyang mga gawa. Maaaliw at makilahok sa pagtulong sa komunidad sa pamamagitan ng BVG Foundation Inc. Siguradong mapupukaw ang inyong mga mata sa makukulay  na artworks at maaantig ang inyong damdamin na tugunan ang pagtawag sa pagtulong. “Doblehin ang epekto ng ating tulong sa pagsasama-sama ng ating mga kakayanan at malampasan ang mga pagsubok sa doble-doble nating pagkilos sa pagtulong”, payo ni Mang Ben. Ayon kay Amos Manlangit, isang artist at faculty ng College of Fine Arts sa UP.

“Ang gawa ni Mang Ben ay sumasalamin sa kaibuturan ng matitingkad na panahon ng isang tao. Kanyang binigyang kahulugan ang pisikal at sosyal na kapaligiran sa kanyang mga kasidhian- kulay at hampas.” ayon kay Amos Manlangit, isang artist at faculty ng College of Fine Arts sa UP.

(translated from: The works of Mang Ben reflects everything that is from a soul of a human living in such vivid times. He interprets his physical and social environment with glaring intensity –his colors and strokes).

Ikinalulugod po ng PILIPINO Mirror na maging katuwang si Mang Ben o Doc Benjie  sa kaniyang mga lecture at activity online. Abangan din po siya linggo-linggo sa Unang Tabloid sa Negosyo para gabayan tayo sa pagnenegosyo.

MANG BEN-6
Ito ang larawan ng pamilya ng Mang Ben na kuha sa muling pagpapakasal nilang mag-asawa bilang selebrasyon ng kanilang ika-15 na anibersayo. Simula sa kaliwa, Tatay Cris (tatay ng misis), Jamin (nag-iisang anak na may bitbit na aso na si Darcy), Mang Ben (Doc Benje), Kate (asawa ni Benjie), Ben (tatay ni Benjie) at Cres (nanay ni Benjie). “Ang pamilya ang galamay sa pagtulong sa kapwa”, ayon kay Mang Ben.

Comments are closed.