MATAPOS ang sunod-sunod na magandang balita tungkol sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19, heto at may bago na namang variant na nakita mula sa South Africa.
Ayon sa World Health Organization, ang bagong variant na tinawag na B.1.1.529 ay napakadelikado dahil umano sa kakayahan nitong mag-mutate ng maraming beses. Ito rin ang naging dahilan ng paglobo ng infection rate sa nasabing bansa. Nakita na ang variant na ito sa Botswana at Hong Kong mula sa mga traveler galing South Africa.
Ayon sa mga eksperto, ang B.1.1.529 ay mas nakahahawa kaysa sa Delta variant at hindi ito kayang labanan ng mga bakuna. Dahil dito, nauna nang ipinagbawal ng United Kingdom ang pag-alis ng mga Briton at ang pagpasok ng mga traveler mula sa lima pang South African nation.
Wala pa mang bagong variant sa Pilipinas, at sana ay huwag nang dumating pa, ay kailangan pa rin nating paigtingin ang ating pag-iingat lalo pa at niluwagan na ng gobyerno ang restriksiyon para sa mga international traveler.
Mula Disyembre 1, ang mga fully vaccinated na traveler mula sa mga tinatawag na “green countries” ay papayagan nang pumasok sa Pilipinas nang hindi sumasailalim sa mandatory quarantine. Kailangan lamang nilang magpakita ng pruweba na sila ay bakunado.
Dagdag pa, matatandaang niluwagan ng gobyerno ang quarantine restriction sa ilang lugar sa Pilipinas, kabilang na ang Metro Manila matapos ang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Mula noon, tila naging kampante na ang mga indibidwal dahil kapansin- pansin ang pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan at pampublikong lugar. Sa mga ulat at larawan sa social media, halos hindi na rin inoobserba ang social distancing.
Lalo pa at maski ang mga sanggol at mga bata na dalawang taon ding nanatili sa kanilang mga tahanan ay malaya na ring nakakalabas kahit hindi pa bakunado, dapat tayo ay maging doble-ingat upang hindi na natin muling maranasan ang paglobo ng mga bagong kaso.
Bukod dito, isabay ito sa pagpapaigting ng pagbabakuna upang makamit na ng Pilipinas ang herd immunity goal.
Ang gobyerno ay nag-organisa ng tatlong araw na vaccination day mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, upang makamit ang target nitong bakunahan ang 15 milyong Pilipino. Higit pa, hindi makokonsiderang ‘absent’ ang empleyadong magnanais tumanggap ng bakuna sa naturang mga araw.
Ang mga inisyatibang ito ng gobyerno ay napakahalaga hindi lamang para sa ating kaligtasan, kundi maging sa pagbabalik sa normal na pamumuhay, at pagbangon ng ekonomiya.
Atin sana itong samantalahin. Ang vaccination effort ay hindi magiging matagumpay kung ang gobyerno lamang at mga medical frontliner ang magtutulungan. Ang kooperasyon ng masa ay higit na kailangan para makamit ito.
Bilang mamamayan, ang bawat isa ay may mahalagang papel sa inisyatibang ito: ang patuloy na paghimok sa mga hindi pa bakunado o takot mabakunahan upang tumanggap na ng bakuna. Ipaalam natin sa kanila ang mga benepisyo ng bakuna — kung bakit ito nararapat noon pa.
Dahil na rin sa dami pa ng hindi pa bakunadong indibidwal, marahil ay ang mga kandidatong tatakbo sa susunod na halalan ay maging tulong din sa pangangampanya hindi lamang para sa kanilang mga sariling plataporma kundi pati na rin sa pagbabakuna.
Para naman sa mga hindi bakunado, nawa’y samantalahin niyo na ang walk-in vaccination program upang protektahan hindi lamang ang inyong sarili, pati na rin ang inyong mga mahal sa buhay at ang mga makakasalamuha pa sa inyong mga patutunguhan.
Sa panahon ngayon, ang pinakamagandang regalo na ating maibibigay sa ating sarili at mga mahal sa buhay ay ang ating ligtas na pamumuhay at maayos na pangangatawan. Masuwerte na lang tayo kung tayo ay mananatiling ligtas hanggang matapos ang pandemyang ito.
Ang labang ito ay hindi lamang laban ng iisa. Sama-sama tayo at magtulungan upang ang pandemyang ito ay mawakasan na.