IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa leptospirosis, mpox, dengue at iba pang sakit.
Sa kanyang mensahe sa Local Governance Summit 2024 sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na nakararanas na ang bansa ng surge sa leptospirosis at dengue dahil sa palpak na waste management at hindi tamang pagtatapon ng basura.
Dahil dito, hinimok ng Pangulo ang local leaders na gumawa ng hakbang para mapigilan ang mga bata na maligo sa baha, i-practice ang tamang personal hygiene at isulong ang malusog na pamumuhay sa kanilang mga nasasakupan.
Sa panig naman ng Department of Health, nagpahiwatig ito na nais na maka-access sa bakuna ng smallpox bilang proteksiyon sa mpox.
Dahil wala pang bakuna sa mpox, dapat maging maingat ang publiko upang hindi mahawa ng viral infection.
Nanawagan din ang pangulo sa Local Government Units (LGUs) na aktibong makilahok sa Kalinisan Program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para mapahusay ang solid waste management disposal.
Isa kasi, aniya, sa mga dahilan ng pagkakaroon ng sakit ay ang problema sa basura lalo na sa mga urban community.