DOC NANAY: MALNUTRISYON KAILANGAN NG PANGMATAGALANG SOLUSYON

SINABI ni House Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagbibigay ng pangmatagalang solusyon sa malnutrisyon.

“Malnutrition needs a long-term solution,” pahayag ni Garin sa isang panayam sa ONE News nitong Biyernes at idinagdag niya na ang mga problema sa malnutrisyon ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng ligtas na inuming tubig.

“Another problem is the availability of safe water because this has contributed a lot to many patients [as there are children who experience diarrhea due to drinking of unsafe water,” anang mambabatas.

Nanawagan din si Garin na magbigay ng suporta sa mga rural na lugar sa backyard farming upang matiyak na magkakaroon ng masustansyang pagkain ang mga bata.

Samantala, sinabi ng dating health secretary na isa sa pinakamalaking problema kaugnay ng malnutrisyon ay nag-ugat sa kakulangan ng nutrisyon ng mga buntis.

Aniya, ang nutrisyon ng mga bata ay nagsisimula sa pagbubuntis.

Ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), araw-araw, 95 bata sa Pilipinas ang namamatay dahil sa malnutrisyon at 27 sa 1,000 batang Pilipino ang hindi nakalalagpas sa kanilang ikalimang kaarawan.

Sinabi ni Garin na ang mga kaalamang nakuha mula sa mga training at seminar na may kaugnayan sa nutrisyon ay dapat magkaroon ng aktwal na pagpapatupad dahil ito ay magkakaroon ng positibong epekto sa pagtugon sa mga problema ng malnutrisyon.

“Solving malnutrition is not just a government’s problem but it should be a collaboration between our constituents. DOH should not stop in [having partnership or agreement] with UNICEF. The biggest problem that they have is the actual implementation on the grounds,” ani Garin.

Una rito, pumirma sa isang kasunduan ang Department of Health (DOH) at UNICEF para palakasin ang kalusugan sa bansa at matugunan ang malnutrisyon.