DOCTOR’S MANSION SA NAIC, CAVITE HAUNTED HOUSE?

LAGING nagiging usa­pin ang isang abandonadong bahayelemento, Cavite lalo na sa usaping kababalaghan na tinatawag nilang Doctor’s Mansion.

Nakakatakot daw talaga itong bahay na ito kapag iyong titingnan. Walang mangahas pumasok na mag-isa.

 Nakakatindig balahibo at animo’y lumalaki ang ulo mo kapag nasa harapang bahagi ka na ng bahay na ito.

Ayon sa ilang mga residente, taong 1930’s umano  itinayo ang bahay na ito, na pagmamay-ari ng isang doktor ng Philippine Army noon. Mas kilala siya sa katawagang Doc Papa.

Hindi na nabuo at natapos ang bahay matapos na makama­tayan ng may-aring doktor. Hanggang ginawa na lamang itong rest house ng mga kamag-anak.

Hati naman ang paniniwala ng iba tungkol sa mga katatakutan na kuwento sa bahay. Ayon sa kapit-bahay ay may nakikita raw sila na may dumudungaw umano sa bintana na babae na kulay puti ang kasuotan.

May kakaibang ingay din umano silang naririnig pagsapit ng hating-gabi. Sinasabing may embalsamuhan daw sa parteng likod ng bahay na ito.

Ang ibang kapit-bahay naman ay ginawa na itong palaruan. Masaya silang nagpapahinga sa mahanging puno ng parte ng bahay.

Upang malaman ang katotohanan sa bahay na ito ay isang grupo ng kabataan ang naglakas-loob na pa­sukin ito nitong Huwebes, Oktubre 31.

Mamamangha ka sa tunay na ganda nito sa loob. Sobrang detalyado ang bawat disenyo ng bahay, tiyak na binuhusan ito ng malaking halaga para maitayo lamang ang bahay na ito.

Symmetrical ang ibang disenyo at parte ng bahay kaya masasabing magaling ang mason ang gumawa nito.

Mayroon itong spiral stairs paakyat na papunta sa ikalawang palapag at mga double door na detalyado din ang mga di­senyo. Maraming disenyo sa loob na mapapa-isip ka kung para saan ito.

Animo’y isang palasyo ang bahay. Nakakapanghinayang lamang dahil hindi natapos gawin ang doctor’s mansion na ito.

Kung natapos sana itong gawin malamang dinarayo ito ngayon ng mga tao bilang isang bahay-turismo.

Gayunpaman, ang kuwento ng bahay ay pinaghalong katatakutan at panghihinayang.

Binabalot ng misteryo at ganda ng turismo. Mga mapaglarong kuwento sa mundo ng mga tao at ele­mento.

SID SAMANIEGO