(DOE, DTI kinalampag) GIYERA VS ‘PEKENG’ LPG PAIGTINGIN

grace poe

NANAWAGAN si Senadora Grace Poe para sa mabilis na aksyon laban sa mga tiwaling negosyante na nagbebenta ng ‘pekeng‘ liquefied petroleum gas (LPG) na kalimitan ay maliliit na mamimili ang nabibiktima.

Ayon kay Poe, naglipana sa merkado ang mga depektibong tangke ng LPG, at walang pakialam ang ilang negosyante kung anong kapahamakan ang maaaring idulot nito sa consumers o pamilya na gumagamit ng kanilang produkto.

“Maraming reklamong nakararating sa aming opisina… kung minsan kalawangin daw at madalas malabo o walang brand ang LPG na kanilang nabibili,” payahag ni Poe.

“Ang masakit pa nito, sapat ang bayad nila pero kulang sa takdang 11 kilo na timbang ang ibinibigay sa kanila,” anang senadora.

Ipinaalala ni Poe na kailangang maging maingat at mapanuri ang mga consumer, at siguruhing maayos ang kanilang binibiling LPG tulad ng pagkakaroon ng tamang safety cap seal na may serial number na nakakabit sa bawat cylinder at mayroong dapat inisyung official receipt.

Dahil dito, hiniling ni Poe sa Department of Energy, Department of Trade and Industry at iba pang kinauukulang ahensiya na kaagad imbestigahan ang ginagawang panloloko  ng mga mapagsamantalang negosyante sa kanilang mga mamimili.

“Hindi lang nito ninanakawan ang mamimili, inilalagay pa nito sa peligro ang buhay ng gumagamit ng depektibong produkto,” anang senadora.

Iginiit din ni Poe na mabilisang bigyang solusyon ang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG na halos hindi na makayanan ng ordinaryong mamimili dahil na rin sa mahirap ng kalagayang dulot ng pandemya.

“Saan pa pupunta ang mga kababayan nating mahihirap? Halos lahat ng presyo ng mga bilihin ay tumaas na at sumabay pa itong LPG. Dapat umaksiyon kaagad ang kinauukulang ahensya,” sni Poe.

Matatandaang dalawang beses nang itinaas ang presyo ng LPG simula nang pumasok ang buwan ng Enero at Pebrero, at marami ang nangangamba na tumaas pa ang presyo nito sa mga susunod na linggo.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng Petron Gasul ay umabot na sa P820 ang bawat 11 kilo ng tangke. Ang Solane ay P837; Phoenix Super LPG, P782; Fiesta Gas, P765; at P760 naman ang presyo ng Regasco. VICKY CERVALES

Comments are closed.