DOE INAAYOS NA ANG PAG-AANGKAT NG MURANG DIESEL PARA SA MGA TSUPER

INAAYOS na ng gob­yerno ang pag-aangkat ng mas murang diesel sa susunod na buwan ng Hulyo para ipamahagi sa mga sektor na nahihirapan sa taas ng presyo ng produktong petrolyo, tulad sa public transportation.

Sinabi ng Department of Energy (DOE) na balak nilang maibalik sa P34-P36 ang presyo ng diesel at ang PNOC Exploration Corporation anila ang mamamahala sa naturang transaksiyon.

“Recommendation is to have purchase and sales agreement in 10 to 15 days if approved…[as] targeted fuel relief…[for] vulnerable players like transport sector or areas that use generators,” ani DOE Assistant Secretary Leonido Pulido.

Pero ang P34-P36 na presyo ay para sa pagbenta ng PNOC Exploration Corporation pa lang, ayon pa kay Pulido.

Pinaplano pa rin umano kung paano ipamamahagi ang mas murang diesel sa magiging benepisyaryo.

Ayon sa DOE, ang isang solusyon, ay ang pagbebenta nito sa mga malalaking kompanya para naman ibenta sa mga gasolinahan sa buong bansa. Ayon kay Pulido, sisiguraduhin na lang ng DOE na maibenta ito sa tamang presyo.

“It must be sold at below market prices,” paliwanag ni Pulido.

Sinabi naman ng isang jeepney driver na maganda raw ang plano pero dapat, aniya, ay bantayan at suriin ng gobyerno ang kalidad ng diesel na aangkatin.

“Maganda basta hindi nakakasira. Baka mura nga pero matapos ang ilang araw ‘yung sasakyan mo hindi natin masabi ‘yung halo ng chemical,” saad ng jeepney driver na halos dalawang dekada nang namamasada.

Ang presyo ng diesel ngayong araw ay naglalaro sa P44.26 hanggang P48.25 kada litro.

Target ng DOE na tapusin sa susunod na linggo ang plano para sa distribusyon ng mas murang diesel.

Comments are closed.