PINAALALAHANAN ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at iba pang mga ahensiya ng gobyerno na maging mapagmatyag sa mga nananamantala sa pagtaas ng presyo ng gasolina bunga ng pag-atake sa dalawang pasilidad ng langis sa Saudi Arabia.
Binigyang-diin ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, na ang pagtaas ng presyo ng langis na nararanasan ngayon ay pansamantala lamang at inaasahang babalik ito sa normal sa mga susunod na linggo kapag bumalik na rin sa normal ang produksiyon ng Saudi Arabian Oil Company (ARAMCO) sa katapusan ng buwan.
Sa ginawang pagdinig ng Senado tungkol sa security plans ng DOE kasunod ng pag-atake sa ARAMCO, napag-alaman na regular lamang ang taas-presyo ng langis ngayong linggo at walang dahilan para magtaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa pag-atake sa ARAMCO.
“Mahalaga ang pagtatakda ng presyo sa ating industriya, pinayagan natin ang mga pribadong sektor na magnegosyo, mag-angkat, magbenta at pumasok sa mga transaksiyon. Sa kabilang banda, dapat siguruhin ng gobyerno na protektado at hindi naaabuso ang publiko sa mga pangyayaring gaya nito,” dagdag ni Gatchalian.
Masusing siniyasat ng senador ang short-, medium-, at long-term plans ng DOE para makamit ang energy security at masolusyunan ang matinding epekto sa presyo at suplay ng petrolyo sa bansa gawa ng pag-atake sa ARAMCO.
Gayundin, ipinaalam ni Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, kay Gatchalian na plano ng ahensiya na imungkahi kay Presidente Rodrigo Duterte na bumuo ng Oil Contingency Task Force (OCTF) na magbabantay, maghahanda, at magsasagawa ng contingency scenarios sakaling magkaroon ulit ng banta sa supply ng langis sa bansa. VICKY CERVALES
Comments are closed.