(DOE pinakikilos) POWER OUTAGES MAKAAAPEKTO SA EKONOMIYA

Luis Campos Jr

NAGBABALA si House Committee on Local Government Vice Chair at Makati City Rep. Luis Campos na posibleng magresulta sa mataas na inflation at pagkaantala sa pagbangon ng ekonomiya ang madalas na power interruption sa Luzon.

Ayon kay Campos, kung mananatili ang unstable power supply sa Luzon grid hanggang Agosto ay magiging dahilan ito ng power rate hike at makaaapekto sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain, gayundin sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ipinunto ng kongresista na ang P9.29 per kilowatt hour na pagtaas sa presyo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) nang mailagay sa red alert ang Luzon grid noong May 31 hanggang June 2 ay 171% na mas mataas kumpara sa P3.42 per kwh na presyo noong Enero hanggang Abril.

Pinangangambahan din ng mambabatas na makaaapekto rin ang problemang ito sa ilang power intensive industries tulad ng food manufacturing at canning.

Iginiit ni Campos na kailangang magawan ng paraan ng Department of Energy (DOE) na maiwasang maulit ang anumang red at yellow alerts sa grid.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang ngayon lang na pag-aksiyon ng DOE matapos na ipag-utos na ipagliban ang scheduled maintenance work ng mga malalaking coal power plants gayong kalagitnaan pa lang ng Abril ay nagbabala na ang National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) sa posibilidad na abutin ng hanggang Agosto ang power shortage sa Luzon. CONDE BATAC

Comments are closed.