(DOE sa oil firms) PRICE HIKES UTAY-UTAYIN

petrolyo

MULING nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa local oil companies na gumawa ng paraan para mapagaan ang sunod-sunod na pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, maaaring ipatupad ng mga kompanya ng langis ang taas-presyo nang utay-utay.

“Patuloy ‘yung panawagan ng Department of Energy sa ating mga oil companies kung gumawa ng paraan para hindi naman matindi ang tama sa ating mga consumers,” ani Romero.

Ngayong araw, sa ika-11 sunod na linggo, ay muling magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng big-time price hike.

Sa anunsiyo ng mga kompanya ng langis, nasa P13.15 ang kanilang taas-presyo sa kada litro ng diesel, P7.10 kada litro  sa gasolina at P10.50 naman sa kada litro ng kerosene.

Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas na ng kabuuang P17.50, gasolina ng P13.25, at kerosene ng  P11.40.