DOF sa Marcos admin SUSPENSIYON NG FUEL EXCISE TAX IBASURA

PINAALALAHANAN ng Department of Finace (DOF) ang papasok na administrasyong Marcos laban sa pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na hindi ito ang tamang solusyon para maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Dominguez, kapag sinuspinde ang excise tax ay mawawalan ang gobyerno ng kita na nagkakahalaga ng P105.9 bilyon ngayong taon na magreresulta sa mas mataas na deficit at utang ng gobyerno.

Sinabi pa ni Dominguez na ang pagsuspinde sa excise tax sa mg produktong petrolyo ay pakikinabangan lamang ng mga mayayaman at malalaki ang suweldo at hindi ng mahihirap na pamilyang Filipino.

Giit ni Dominguez, isang paraan para matugunan ang epekto ng serye ng taas-presyo ng langis ay magbigay ng agarang targeted support sa mga vulnerable sector.

Samantala, nilinaw naman ng DOF na walang double taxation o hindi doble ang sinisingil na buwis sa sektor ng enerhiya.

Ani Dominguez, sa ilalim ng electric power industry reform act (EPIRA) law ay pinaghiwa- hiwalay na ang pagpepresyo sa bawat yugto ng produksiyon ng koryente.

Aniya, hiwalay ang12 porsiyento ng value added tax na sinisingil sa consumer habang hiwalay rin ang VAT para sa distribution charge, gayundin sa generation at transmission charges.

Una nang sinabi ni Energy Regulatory Commission chief Agnes Devenadera na irerekomenda niya sa susunod sa administrasyon na tanggalin na ang VAT sa generation charge at ipataw lang ito sa distribution charge.

Ito ay para maiwasan, aniya, ang double taxation.

Pero sa paliwanag ng DOF, mayroon lamang double taxation kung may dalawang buwis na parehong layunin ang ipinapataw sa isang subject matter ng iisang taxing authority sa loob ng iisang hurisdiksyon sa parehong panahon.

Dagdag pa ni Dominguez, hindi solusyon ang VAT exemption para maibsan ang pasanin ng consumer sa singil sa koryente at mas mabuting muling pag-aralan ang mga patakaran sa presyuhan ng power generation. BETH C