HINIKAYAT ni Finance Secretary Ralph Recto ang mga Singaporean investor na mamuhunan sa infrastructure flagship projects ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa 4th Philippine-Singapore Business and Investment Summit (PSBIS) nitong Huwebes sa Shangri-La, Singapore, tiniyak ni Recto sa mga investor na ang pinakaaabangang pagsasabatas sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) ay magpapadali sa pagnenegosyo sa Pilipinas.
“The new amendments to the country’s fiscal incentives regime — known as CREATE MORE— are designed to attract even more Singaporean investors to lay down roots and flourish in the Philippines,” sabi ni Recto.
Ang CREATE MORE bill, na inaasahang maaaprubahan ngayong taon, ay naglalayong padaliin ang business compliance sa pamamagitan ng pagbabawas ng documentary requirements at tutugunan ang mga alalahahin ng mga investor sa value-added tax (VAT) sa pag-exempt sa export-oriented enterprises sa pagbabayad nito.
Nagkakaloob din ito ng mas kaakit-akit na incentive package para sa registered projects o activities na may investment capital na lalagpas sa USD260 million o P15 billion.
Sa ilalim ng panukala, ang registered business enterprises (RBEs) ay pagkakalooban ng 5 percent reduction sa corporate income taxes, mula 25 percent sa 20 percent.
Pagdating sa investments, hinikayat ni Recto ang Singaporean investors na magsumite ng unsolicited proposals, tumugon sa solicited proposals, at mag-explore ng mas maraming joint ventures sa Philippine government sa pamamagitan ng 186 flagship infrastructure projects (IFPs) ng administrasyon.
“As we aggressively enhance our logistics backbone and human capital through productivity-boosting investments, Singapore’s role has never been more crucial. We need more of Singapore’s cutting-edge expertise and technology for our 186 flagship infrastructure projects,” sabi ni Recto.
Idinagdag pa ni Recto na naghahanap ang Philippine government ng mas malawak na partisipasyon mula sa top-tier partners sa Singapore tulad ng Changi Airport Group, na nag-excel sa pamamahala at pag-ooperate sa Clark International Airport.
“Given Singapore’s world-class expertise in aviation, both of us can lead ASEAN’s transformation into a global travel hub and drive the tourism boom across the region,” aniya.
Sinabi ni Recto na makatutulong ang Singapore sa pamahalaan sa pagtatayo ng “more smart, modern, sustainable, and people-centered cities across the Philippines.”
Ang Summit ay inorganisa ng Philippine Embassy sa Singapore at co-sponsored ng BDO Unibank Singapore, BDO Private Banking Singapore, National Development Company (NDC), at ng Aboitiz Infra Capital.
Bukod kay Recto, lumahok din sa Summit sina Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan, Department of Education Secretary Juan Edgardo Angara, Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr., Philippine Ambassador to Singapore Medardo Antonio Macaraig, Mindanao Development Authority Secretary Leo Tereso Magno, Bases Conversion and Development Authority President and CEO Joshua Bingcang, PEZA Director General Tereso Panga, at National Development Company General Manager Antonilo Mauricio.
ULAT MULA SA PNA