DOF SISIYASATIN ANG TEXTILE INDUSTRY

DOF

INATASAN na ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang paglikha ng isang task force na mag-iimbestiga sa mga taong kasali sa diumano’y pag-iisyu at paggamit ng maling Tax Credit Certificates (TCCs) mula 2008 hanggang 2014, na ayon sa report ay nagbigay sa holders na magkaroon ng insentibo na umaabot sa PHP11.18 bilyon.

Sa pagbanggit sa report mula sa Commission on Audit (COA) nong Hulyo 6, sinabi ni Dominguez na nadiskubre na ang One-Stop Shop Inter-Agency and Duty Drawback Center (OSS), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Finance (DOF), ay nag-isyu ng tinatayang  3,231 TCCs sa 33 textile companies na hindi nakare­histro or nag-lapse na ang registration noong anim na taon.

Sinabi niya na ang 29 claimants ay hindi rehistrado pero nakakuha ng tax credits na nagkakaha­laga ng PHP8.85 bilyon habang apat na claimants ang paso na ang registration pero nakakuha pa rin ng tax grants na umaabot naman sa PHP2.34 bil­yon.

Makikipag-ugnayan ang finance department sa  National Bureau of Investigation (NBI) at sa Office of the Ombudsman para sa malalim ng imbestigasyon ng isyu at makasuhan ang mga taong kasama sa naging katiwalian, aniya. “We are determined to get to the bottom of this and really identify those who are responsible and collect back what we can. And, of course, charge those we find evidence that they are guilty,” dagdag pa niya.

Kasama sa miyembro ng task force na binuo para mag-imbestiga ay sina Finance Undersecretary Antonette Tionko, na namumuno sa Revenue Operations Group ng ahensiya; Undersecretary Bayani Agabin, na namumuno sa Legal Affairs Group; at si Undersecretary Gil Beltran, na namumuno naman sa Policy Development and Management Services Group.

Ilang taon na ang nakararaan, ilang opisyal ng DOF ang  nakasuhan dahil sa kanilang pagkakasangkot sa umano’y alleged tax credit scam kaugnay ng TCC issuances sa textile industry players.

Nakaranas na ang textile industry ng kanilang maliligayang araw at dahil sa malaking bilang ng kompanya ang kasali rito, sinabi ni Dominguez na nakapag-empleyo rin ito ng maraming tao.

“I guess (with) the number of transactions of companies could be used by people who have bad intentions,” dagdag pa niya.

Sa kasabay na tagubilin, sinabi ni Finance Undersecretary Antonette Tionko na 29 sa mga kasali sa kuwestiyonableng pag-iisyu ng TCC ay nakakuha ng walang ipinakitang pruweba na mayroon silang aktuwal na importasyon. Dagdag pa niya na sa PHP11 bil­yon halaga ng TCC, higit sa 80 porsiyento ang nagamit para mabayaran ang buwis na nararapat sa  gob­yerno.    PNA

Comments are closed.