PINAG-IINGAT ni Senadora Imee Marcos ang gobyerno sa pagmamadaling maitayo ang Department of Filipinos Overseas (DOFil) gayong hindi pa nareresolbahan ang mga isyung posibleng makahadlang sa pagiging epektibo ng operasyon nito bilang Cabinet-level agency.
Kabilang sa mga isyung tinukoy ni Marcos ang kakarampot na badyet sa gitna ng Covid-19 pandemic, kawalan ng specialized training para sa mga magiging opisyal at mga tauhan ng DOFil, gayundin ang magkakaparehong tungkulin at programa na hindi pa rin naaayos sa mga ahensiya ng gobyerno.
“Hindi ako kontra sa bago at hiwalay na ahensiya ng gobyerno para sa nagkakagulong mga OFW, pero hindi ganon kadali ang pagtatayo ng napakalaking departamento at hindi rin ito magic na agad-agad na malulutas ang mga problema at hinaing ng ating mga OFW. Isa pa, walang Php1.1 bilyon na bubunutin na lamang sa hangin,” ani Marcos.
Matatandaang inihayag ng Department of Budget and Management sa hearing ng Senado noong Pebrero na hindi pa sakop ng Php1.1 bilyon na minimum budget na kailangan sa pagtatayo ng DOFil ang mga programa ng nasabing departamento.
“Maaaring ang pagpapalawak ng POEA (Philippine Overseas Employment Agency) ang praktikal at kritikal na solusyon sa mapang-hamon na pinansiyal na problema ng bansa, isama ito sa bagong ahensya hanggang sa mga rehiyon, lagyan ng mga satellite at mobile offices,” paliwanag ni Marcos.
Itinutulak ni Marcos ang isang alternatibo sa DOFil na “mas matipid at tama lang ang laki” sa kanyang Senate bill 407 na nagpapanukalang magtayo ng National Overseas Employment Authority (NOEA) na sasaklaw sa POEA, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang OFW service offices sa DFA, DOLE, at DSWD.
“Maaaring mabilis nating matutulungan ang OFWs sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapalakas ng POEA, OWWA, CFO (Commission on Filipinos Overseas) at iba pang mga tanggapan ng DFA at international desks ng DSWD,” ani Marcos.
Sa pagpapaliit sa DOFil, sinabi ni Marcos na kakailanganin din na kumuha ng mga officer at personnel na may espesyal na kakayahan maging karanasan at kasanayan para tugunan ang pangangailangan ng mga OFW.
“Wala pang inilalatag na plano para magsanay ng mga specialized personnel para sa bubuuing bagong departamento. Masalimuot ang larangan ng migration. Paano tayo magkakaroon ng mga bihasa na international negotiators para kumatawan sa Pilipinas sa ILO (International Labor Organization) o sa mga iba’t-ibang bansa kung saan nakatira ang ating mga OFW?,” ani Marcos.
“Nangangamba ako na baka ang DOFil ay magresulta lang sa pamimirata ng mga tauhan mula sa POEA, OWWA at iba pang mga tanggapan na nasa ilalim ng DOLE,” dagdag ni Marcos.
Iginiit din ni Marcos na maaring magresulta lang ang DOFil sa overlapping o halos magkaka-parehong gampanin ng mga ahensya ng gobyerno, magdudulot lang ng kalituhan sa mga OFW, at mas maging mahirap pa lalo sa kanila na humingi ng tulong at lunas sa mga kaso ng pang-aabuso.
“Ang mas detalyadong listahan ng mga trabaho at gampanin ng bubuuing departamento sa kabila na mayroong DFA at DOLE ay hindi pa naaayos at maaaring magpalala sa napakahinang pagsampa ng mga kaso ng DOJ laban sa mga illegal recruiter at human traffickers!” ani Marcos. VICKY CERVALES
534207 429332I located your weblog web site on google and check a couple of of your early posts. Proceed to sustain up the really great operate. I just extra up your RSS feed to my MSN News Reader. Looking for ahead to reading extra from you later on! 257757