DOH-B117, DI PA NAKAKAPASOK SA PHL

DOH

ITINANGGI ng Department of Health (DOH) ang naglalabasang mga ulat sa social media na nakapasok na sa Filipinas ang UK variant, na kilala sa tawag na B117, o anumang bagong variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nilinaw ng DOH na wala pa silang natutukoy na bagong variant ng SARS-COV-2, ang virus na nagdudulot ng CO­VID-19, sa bansa.

Tiniyak din nitong masusing nagtutulungan ang DOH at Philippine Genome Center (PGC) upang paigtingin ang kanilang isinasagawang biosurveillance efforts.

“The Department of Health and the Philippine Genome Center (PGC), to date, have not detected any UK variant, or any new variant of SARS-COV-2  in any of the positive samples tested,” anang DOH, sa isang pahayag. “The DOH and PGC are closely working together in order to intensify ongoing biosurveillance efforts.”

Umapela rin ang DOH sa publiko na itigil ang pagpapakalat ng mali at hindi beripikadong mga impormasyon dahil lumilikha lamang ito ng panik at kalituhan sa mga mamamayan.

Matatandaang nagpatupad na ng travel ban ang Filipinas sa United Kingdom at ilan pang bansa na nakapagtala na ng bagong UK variant ng COVID-19, sa pag-susumikap na maantala ang pagpasok ng virus sa bansa.

Ang B117 ay sinasabing mas nakakahawa kumpara sa orihinal na variant nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.