NAIS ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na sa loob ng tatlong araw ay tuluyan na nilang matapos ang “backlog” sa mga resulta ng isinasagawa nilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) tests.
Nabatid na nakausap na ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga opisyal ng RITM at ito aniya ang ginawang commitment nila sa kanya.
“Ang kanilang commitment, nakausap natin sila kanina, na matatapos na po lahat ng backlog in two to three days,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa radyo.
Sinabi pa ni Vergeire na pagkatapos nito ay magkakaroon na sila ng ‘real-time test results’ na aabutin lamang aniya ng 24 hanggang 48 oras.
Ani Vergeire, sa ngayon ay umaabot ng mula lima hanggang pitong araw bago maipalabas ng RITM ang COVID-19 results dahil sa dating backlog.
Ang ibang subnational laboratories naman na nag-ooperate na sa ngayon sa layunin na masunod ang 24- 48 hours standard time sa resulta.
Tiniyak din ng health officiak na masusing nagsasagawa ng assessment ang Food and Drug Administration (FDA) sa iba pang mga testing para makatiyak na magiging tama ang resulta nito.
Aniya pa, may 30 laboratoryo na rin ang nagpahayag ng intensiyon na maging extension facilities para sa COVID-19 testing pero dapat na makatugon muna sila sa biosafety requirements bago maaprubahan ang kanilang operasyon. Ana Rosario Hernandez
2 LAB MACHINES PARA SA COVID-19 PARATING NA
DARATING na sa bansa ang dalawang laboratory machines na maaaring gamitin para testing facilities para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng Philippine National Red Cross na bumili sila ng machines na maaaring mag-test ng 1,500 bawat isang machine kaya sa isang araw ay aabot sa 3,000 ang mate-test nito.
Paliwanag pa ni Gordon, maaring pumunta ang med tech sa mga mismong lugar na pinakamaraming may kaso ng ng COVID-19 at doon na magte- test.
Pagkatapos nito, maaring dalhin ang test samples na nakalagay sa bote sa Red Cross para mabilis na malaman ang resulta.
Ang test result nito ay maaring mailabas sa loob lamang ng tatlong oras.
Giit ng senador, inaasahang darating sa linggo ang nasabing mga machines at inaasahang tuluyang magagamit na. VICKY CERVALES
Comments are closed.