MULING nagpamahagi ang Department of Health (DOH) ng 16 pang land ambulances sa mga government hospitals at rural health units sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (Calabarzon), sa isang simpleng turnover ceremony na ginanap sa isang open court sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, mahalaga ang mga naturang ambulansiya ngayong nananatili pa ang travel restrictions dahil sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“These land ambulances are necessities and are essential help especially now that travel restrictions are currently imposed due to the pandemic. Kailangan nating makaresponde agad lalo na sa mga emergency covid patients natin para madala sila sa pinakamalapit na health facility at mabigyan ng agarang lunas upang hidi na rin makawa pa ng iba at kumalat sa komunidad,” ani Janairo sa kanyang opening message.
Nabatid na sa pamamahagi ng mga ambulansiya, ginawang prayoridad ng regional office ang mga emergency COVID-19 facilities.
“Inuuna muna nating binibigyan ng ambulansya ang mga hospital at health facilities na tumatanggap ng mga covid patients, especially the covid responder hospitals para mapabilis ang pabibigay ng kanilang serbisyong pangkalusugan at pagdadala ng mga pasyente sa mga isolation facilities natin sa rehiyon,” aniya.
Nauna rito, walong set ng land ambulances ang ipinamahagi noong Setyembre 9, 2020 at isa pang set ng walo ring ambulansiya ang ipinamigay naman noong Setyembre 11.
Sa kabuuan, mayroon nang 46 land ambulances ang naipamigay sa mga health facilities sa CALABARZON.
Nabatid na ang bawat ambulansiya ay mayroong medical supplies na kinakailangang sa emergency response kabilang ang automatic external defibrillator, nebulizer, portable suction machine, examining light, aneroid sphygmomanometer, folding stretcher, scoop stretcher, heavy duty stethoscope, at oxygen cylinder.
Ang mga piling recipients ng land ambulances ay pinagkalooban rin ng mga LED TVs na may flashdrive na naglalamay ng COVID-19 Information, Education and Communication (IEC) materials na maaaring magamit sa pagpapakalat ng tama at mahahalagang impormasyon hinggil sa virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.