DOH-CALABARZON UMAKSIYON SA PAGKALAT NG RABIES

Rabies

INAKSIYUNAN  na ng Department of Health (DOH) sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), ang inaasahang pagkalat ng nakamamatay na rabies, na nakukuha sa kagat ng mga hayop, gaya ng aso at pusa, at malimit na nambibiktima sa panahon ng tag-init kung kailan bakasyon sa eskuwela ang mga mag-aaral.

Ito’y sa pamamagitan ng paglulunsad ng programang “OPLAN RED: Operational Plan for Rabies Elimination in Dogs,” na bahagi ng National Rabies Prevention and Control Program ng pamahalaan.

Sa ilalim ng natu­rang programa, kinapon ng mga health worker, katuwang ang Provincial at City Veterinary Offices ng Cavite, gayundin ang Humane Society International, ang mga lala­king aso at pusa sa Ca­vite upang limitahan ang populasyon ng mga ito.

Nabatid na sa loob ng apat na araw na pag­lulunsad ng aktibidad ay umaabot sa kabuuang  215 aso at pusa sa Cavite, kabilang dito ang 52 aso at pusa mula sa Tanza, 55 naman sa Trece Martires City, 58 sa Cavite City at 50 sa General Trias.

Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, malaking tulong ang proyekto para mabawasan ang nagkalat na aso at pusa sa lansangan at upang hindi na rin sila makakagat pa ng mga tao.

Ibinunyag din ni Janairo na ang mga domestic dog ang may kagagawan ng 99% ng human deaths dahil sa rabies, kaya’t dapat na mapigilan ito.

“Isa ito sa mga pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng rabies sa komunidad at upang makaiwas na rin ang paggala ng mga aso sa lansangan dahil mapipigilan nito ang kanilang pamamas­yal sa labas ng bakuran kapag sila ay nakapon.”

Nilinaw  ni Janairo na bukod sa mababawasan ang mga nagkalat ng mga aso at pusa sa lansangan ay kapaki-pakinabang din ang pagkakapon sa mga hayop dahil nakababawas ito sa panganib na magkaroon sila ng mga reproductive related diseases and illness.

“It will also prevent uterine infections and breast cancer, which is fatal in about 50 percent of dogs and 90 percent of cats,” aniya.

Kaugnay nito, hinikayat din naman ni Janairo ang mga pet owners na maging responsable at ipakapon ang kanilang mga alagang hayop upang maprotektahan ang mga ito laban sa mga naturang karamdaman.

Batay sa datos ng regional rabies prevention and control unit, kabuuang 92,474 animal bites cases ang naitala nila sa Calabarzon noong 2018.

Ang lalawigan ng Rizal ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso na umabot sa 28,430; na sinundan naman ng Cavite (20,857 cases); Batangas (16,116 cases);  Laguna (14,638 cases) at Quezon (12,433 cases).

Sa naturang bilang, 30 naman ang kumpirmadong binawian ng buhay dahil sa rabies.

“We have to limit dog population in the community specifically in areas where they are unmanaged and tends to roam around. We need to reduce the problems they may cause in order to facilitate more effective rabies control,” ani Janairo.

“Community cooperation is very important including responsible pet ownership, better veterinary care and regular dog vaccination will reduce the risk of rabies transmission,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ