DOH ‘DI NA MAGPO-POST NG DAILY COVID-19 BULLETIN

HINDI na magpo-post ng daily COVID-19 bulletins simula sa Enero 1, 2022 ang Department of Health (DOH)

“Nais po namin ipaalam na hanggang sa December 31 na lang ang araw-araw na paglabas ng case bulletin at ng COVID-19 situational report,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa media briefing.

“Simula sa January 1, lahat ng ating COVID-19 data ay makukuha na natin sa COVID-19 tracker sa DOH website,” dagdag nito.

Ang tracker ay magkakaroon ng daily update ng 4 p.m. at makikita sa doh.gov.ph/covid19tracker.

“This public tracker, which has been operational since the start of the pandemic, contains all information being provided in the case bulletin and daily situation report,” paliwanag ng DOH.

Ilang senador ang tutol sa naturang plano ng DOH at iginiit nila na mahalagang mabigyan pa rin ng updates o impormasyon ang publiko sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

“I think that it’s a mistake that the DOH will stop announcing bulletins as its a tool for us, the public to know the positivity rate of infections in the country. Whether it is decreasing or increasing it is the right of the people to know this and be informed about it,” ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Para naman kay Sen. Joel Villanueva, ang daily COVID-19 bulletins ay nagsisilbing paalala sa publiko na hindi pa tapos ang problema sa pandemya kaya dapat pa rin sumunod sa safety protocols.
Iginiit nila ang kahalagahan ng COVID-19 bulletins para mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko sa sitwasyon patungkol sa pandemiya.