(DOH hinimok na magkaroon ng pag-aaral sa mental health ng mga Pinoy) 404 STUDES NAG-SUICIDE SA PANAHON NG PANDEMYA

NAIS  ni Senador Francis “Chiz” Escudero na pamunuan ng Department of Health (DOH) ang isang nationwide study sa kasalukuyang kalagayan ng mental health ng mga Pilipino kasunod ng maraming estudyanteng kumitil ng sariling buhay sa panahon ng pandemya.

Nabatid sa pagdinig noong nakaraang linggo sa Senado na 404 na estudyante ang kinitil ang sariling buhay habang 2,147 iba pa ang nagtangkang magpakamatay noong Academic Year 2021-2022.

“Hindi sapat ang mga datos na ating nalaman. Ito ang aking panawagan, marapat na tingnan ng DOH ang kasalukuyang mental health situation sa ating bansa, hindi lamang sa mga mag-aaral – elementary, high school o college,” ani Escudero, chairman ng Senate committee on higher, technical and vocational education.

“Dapat na maisama sa pag-aaral pati na mga ordinaryong mga Pilipino mula sa ibat-ibang sektor – nagtatrabaho o walang trabaho. Mahalagang makuha ang mga datos na iyan para malaman natin kung papaano natin gagawan ng remedyo o solusyon ang problemang ito,” dagdag pa niya. LIZA SORIANO