MAGSASAGAWA ng houseto-house ang mga tauhan ng Department of Health (DOH) at mga personnel ng mga local government units (LGUs) sa ilang piling barangay na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ), upang hanapin at tukuyin ang mga indibidwal na nagpapakita ng mga sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bahagi ito ng pag-recalibrate nila ng mga istratehiya na isasagawa sa panahon ng dalawang linggong MECQ sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan, kung saan nakakapagtala ng pagtaas ng mga kaso ng virus.
Nabatid na una nilang ilulunsad ang naturang programa sa Metro Manila at sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon).
Paliwanag ni Vergeire, isa sa mga istratehiya na kanilang gagamitin ay ang tinatawag na ‘Coordinated Operations to Defeat Epidemic’ o ‘CODE strategy’ kung saan bababa sila sa LGUs.
Ia-adopt rin aniya nila ang Rabi model, na ginamit ng Mumbai, kung saan ay magbabahay-bahay sila para matukoy ang lahat ng taong nagpapakita ng sintomas ng virus, susuriin at ia-isolate ang mga ito, gayundin ang kanilang mga naging close contact, para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sinabi rin ni Vergeire na natukoy na nila ang mga “priority barangays” sa Metro Manila at sa Calabarzon na kanilang bibisitahin sa susunod na dalawang linggo.
“We will not wait for them to come to the system. We will find them,” ani Vergeire.
Aniya pa, hindi sila gagamit ng rapid testing kit sa kanilang pagsusuri sa mga symptomatic patients.
Dagdag pa ni Vergeire, inaasahan nilang matapos ang 14-araw na MECQ ay magkakaroon na ng mataas na awareness at compliance sa minimum health standards ang mga mamamayan, lahat ng mga mahihirap na komunidad ay magkakaroon na ng face masks at face shield at lahat ng mga lugar sa mga komunidad na madalas na maraming tao, gaya ng mga pamilihan, terminal, simbahan, paaralan at iba pa, ay magkakaroon ng physical distancing cues.
Ang 100% ng mga tahanan ay dapat na naisalalim na rin aniya sa symptom check at 100% ng mga may sintomas ng virus at kanilang mga contacts ay naisailalim na sa swab testing.
Inaasahang wala na ring naka-home quarantine na suspect, probable at confirmed cases at maging kanilang mga contacts (1:37).
Inaasahan din ng DOH na matapos ang pag-iral ng MECQ, ang 100% ng mga taong nangangailangang i-admit at i-isolate ay matagumpay nang nai-refer sa mga health at quarantine facilities, 100% ng mga admitted patients ay ‘zero out-of-pocket,’ at 100% ng clusters ay natukoy na, na-contain at na-isolate. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.