DOH: HUWAG PADALOS-DALOS SA LEGAL MARIJUANA

Secretary Francisco Duque III

HINDI  dapat magpadalos-dalos sa pagsusulong ng medical cannabis.

Pahayag ito ni Health Secretary Francisco Duque III  kasunod ng naging sagot ni Ms. Universe 2018 Catriona Gray kaugnay sa regulasyon ng medical marijuana sa ginanap na pageant.

Ayon  kay Duque, hindi sapat na batayan ang pagsang-ayon ni Catriona sa pagsuporta sa medical use ng marijuana.

Hindi umano batayan ang dami ng pumalakpak sa na­ging sagot nito dahil hindi naman eksperto si Catriona sa medisina.

“Maghinay-hinay muna sa pagsuporta sa medical cannabis, lalo na at nag-uumpisa pa lamang ang DOH na gumawa ng sariling pag-aaral sa epekto ng paggamit ng marijuana sa aspetong medikal,” pahayag ni Duque.

Prayoridad ng pamahalaan na tiyaking ligtas ang mga gamot na ipakikilala sa merkado, tinitiyak din ng DOH  na hindi na muling masasangkot sa kontrobersiyal ang DOH.

Samantala, kumpiyansa si Kabayan partylist Representative Ron Salo na makukumbinsi ang Kamara na agarang maipasa ang panukalang batas para gawing legal ang paggamit ng marijuana para sa medical purpose.

Ayon kay Salo, malaki ang maitutulong ng cannabis para mapabuti ang lagay ng mga pasyenteng dumaranas ng seizures, multi-ples at epilepsy.

Sa ngayon ay lusot na sa Committee on Health ang House Bill 6517.