KINUWESTIYON ni Senadora Grace Poe ang overpriced personal protective equipment (PPE) na binili ng Department of Health (DOH) na kung saan umaabot sa P1,800 ang isang set nito gayong ang market value ay nasa P400 hanggang P1,000.
Ani Poe, kung pareho lang kalidad ay makabubuting mas mura na lamang ang kunin at nakatipid pa ng P800 milyon ang ahensiya.
“Confronting an extraordinary public health crisis requires prompt response but in doing so, let us not forget the need for the judicious use of fund releases,” diin nh senadora.
Ito ang naging reaksiyon ni Poe nang ihayag ng DOH ang delivery ng isang milyong sets ng PPE na ipamamahagi sa mga public at private hospital na may mga COVID-19 patients at people under investigation and under monitoring.
Gayundin, sinabi pa ng DOH na mayroon pang P225 milyong matitira mula sa pondong nakalaan para sa PPEs.
“Ang bawat piso na matitipid natin sa ganitong panahon ay maaari pa nating magamit sa iba pang mga programa ng gobyerno para makapagbigay ayuda sa ating mga kababayan na higit ring nangangailangan ng tulong tulad ng financial aid at pagkain pang araw-araw,” diin ni Poe.
Gayunpaman, umapela ang senadora sa DOH na ayusin at madaliin ang pamamahagi ng PPE at iba pang critical medical devices sa mga nakatalagang hospitals na may COVID-19 patients.
“More than two weeks into the enhanced quarantine, swift action and massive testing will help accelerate collaborative efforts to contain the pandemic, a valuable lesson we could learn from our Asian counterparts who have become successful in slowing down the spread of the disease,” ani Poe.
Ang apela ni Poe ay dahil na rin sa dumaraming bilang ng mga frontliner ang nahahawaan na kaya’t marapat lamang na bilisan ang distribusyon ng mga PPE.
“Nagpapasalamat tayo at nagdadatingan na ang mga kagamitang mahalaga sa pagsugpo ng epidemiyang ito kaya sana ay maipamahagi ito sa mga ospital at ating mga health frontliners sa lalong madaling panahon,” hiling ni Poe.
“Subalit tulad ng pahayag ng Pangulo, hindi ito panahon ng pagsasamantala, kaya’t nananawagan tayo sa DOH na kung maaari ay iprayoridad ang pakikipag-ugnayan sa local manufacturers upang mas makakuha ng murang PPE,” dagdag ng senadora. VICKY CERVALES