SURIGAO DEL NORTE – NAKAUMANG na ang imbestigasyon ng Department of Health (DOH) sa pagkamatay ng batang estudyante sa Surigao del Norte matapos itong painumin ng pampurga o sumailalim sa deworming.
Ayon kay Health Usec. Rolando Domingo, agad nilang ipinahinto ang pagpupurga sa mga estudyante nang makarating sa kanilang kaalaman ang nangyari sa San Isidro Elementary School.
Batay sa ulat, may pito pang batang mag-aaral ang naospital matapos sumailalim sa deworming noong Hulyo 23.
Dagdag pa ni Domingo, nagsagawa na ng toxicology tests sa mga biktima para matukoy kung nalason ang mga biktima o may toxic substance na pumasok sa kanilang katawan.
Sumasailalim na rin sa pagsusuri ang mga gamot na pampurga.
Binanggit pa ng DOH na wala ng iba pang katulad na insidente ang naiulat kaugnay sa deworming campaign sa mga batang mag-aaral. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM