HUMINGI ng tulong ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Health (DOH) para pangunahan ang imbestigasyon hinggil sa aksidenteng ikinamatay ng police medical frontliner habang naka-duty sa Philippine Sports Arena-Temporary Treatment and Monitoring Facility (PSA-TTMF) sa Pasig City.
Kinilala ang biktima na si Capt. Casey Gutierrez, 31-anyos, na aksidenteng nalanghap ang hazardous chemical (sodium hypochlorite) habang nasa proseso ng decontamination sa nasabing pasilidad noong Mayo 24.
Isinugod sa PNP General Hospital si Gutierrez nang mahirapang makahinga nang makalanghap ng toxic chemical sa nasabing petsa at noong Mayo 30 ay pumanaw habang naka-confine sa Lung Center of the Philippines.
Sa instruction ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa kay Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pacratius Cascolan, commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF), nakipag-ugnayan na ito kay Health Secretary Francisco Duque para sa independent investigation hinggil sa nasabing insidente.
“On instructions of PNP Chief Gamboa, Cascolan as ASCOTF commander has made representations with the office of Sec. Duque seek the department’s assistance in the ongoing probe into the May 24 incident at the PSA-TTMF,” ayon s statement ng PNP.
Ang buong pulisya ay nagluluksa sa pagkamatay ni Gutierrez na tinawag na hero cop.
“The PNP mourns the death of Dr. Casey Gutierrez and I have ordered a full investigation to determine the circumstances surrounding his death,” ayon kay Gamboa.
Bukod kay Gutierrez, aksidente ring nakalanghap ng kemikal at ginamot sa PNPGH sina SSG Steve Rae Salamanca at Cpl Ruinie Toledo na miyembro ng PNP Medical Corps na naka-assign din sa PSA-TTMF.
Tiniyak naman ng PNP chief na ginagawa na ang lahat upang hindi na maulit ang nasabing insidente at iginiit na tinitingnan din nila ang kaligtasan ng kanilang frontliner.
Sinabi ni Cascolan na magkakaroon din ng partisipasyon sa independent investigation ang iba pang concerned agencies na nangangasiwa sa PSA-TTMF.
Mahigpit ding pinaalalahanan nito ang mga police healthcare personnel at frontline medical units na sumunod sa safety procedures, isaisip ang biosafety at maging alerto sa pagtukoy sa chemical hazards upang makaiwas sa disgrasya.
Sakali namang ikasa ng National Bureu of Investigation ang imbestigasyon sa insidente, tiniyak ni Cascolan na handa ang PNP na makipagtulungan.
Una nang napaulat na nais ng kaanak ng biktima na imbestigahan ng NBI ang pagkamatay nito. EC
Comments are closed.