KABUUANG P7.54 bilyon ang nakalaang pondo ng Department of Health (DOH) sa kanilang immunization program sa susunod na taon.
Ayon kay Senador Sonny Angara, sa naturang pondo ay libre ang mga pagbabakuna sa mga bata, mga buntis, kalalakihan at kababaihan.
Tinatayang 2.7 milyong mga bagong silang na sanggol ang makikinabang sa libreng bakuna kontra TB, hepa B, diphtheria, pertussis, tetanus, measles, rubella, influenza at polio at sa kabuuang bilang, 2 milyon ang bibigyan din ng flu shots.
Makakatuwang ng DOH sa pagpapatupad ng programa ang Department of Education (DepEd), partikular sa pagbibigay bakuna sa may 2.4 milyong estudyante sa Grade 1 at 1.9 milyong estudyante sa Grade 7. Kabilang din sa mga ibibigay na bakuna ang kontra tetanus, diphtheria, measles at rubella.
Tinataya namang 2.7 milyong buntis ang bibigyan ng anti-tetanus vaccines habang ilalaan sa mga nakatatanda ang dalawang milyong flu shots at 500,000 units ng pneumonia vaccines.
“Kung ano man ang kulang sa mga ito, maaari namang ipaalam sa amin ng DOH, pero hindi naman ibig sabihin, dagdag-pondo na agad. Baka puwedeng lipat-pondo mula sa iba pang budget ng DOH,” ani Angara.
“Sabi nila, nasa P650 million ang advertising budget nila. Baka puwedeng i-rechannel ito sa mga programa na susuporta sa pagsusulong ng bakuna,” ayon pa sa senador.
Sa ngayon, nahaharap sa mga bagong pagsubok ang DOH dahil sa muling paglaganap ng dengue at polio. Dahil dito, posibleng kailangan ng ahensiya ng dagdag pondo bilang solusyon sa lumalalang suliranin.
Bagaman natalakay na sa komite ang panukalang P160 billion budget ng DOH, dadaan pa rin ito sa masinsinang pagdinig ng plenaryo kaugnay sa pagsisimula ng budget hearing ng Mataas na Kapulungan sa 2020 national budget sa susunod na buwan. VICKY CERVALES