MAY ilang tips ang Department of Health (DOH) upang matiyak na magiging mas ligtas ang pagdiriwanag ng publiko ng Pasko at maging pagsalubong sa Taong 2020.
Bilang bahagi pa rin ng Oplan Iwas Paputok campaign ng pamahalaan, sa pangunguna ng DOH, katuwang ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno, ipinayo ng DOH na mas mabuti kung hindi na magpapaputok at sa halip ay itaguyod at makilahok na lamang sa Community Fireworks Display.
Pahayag pa ng DOH na ipagdiwang na lamang nang ligtas ang Pasko at Bagong Taon kasama ang pamilya at sa halip na magpaputok ay lumikha na lamang ng ingay gamit ang ibang bagay tulad ng torotot, busina, musika, lata, takip ng kaldero at iba pa.
Maaari ring makisaya sa ibang paraan tulad ng street party, concert, piano, palaro at iba pa.
Paalala pa ng DOH, dapat nang matuto ang publiko sa mga aral ng nakaraan at magsimula nang maayos na buhay sa Bagong Taon.
Nauna nang sinabi ng Health Secretary Francisco Duque III na target nilang mapaigting ang kampanyang Oplan Iwas Paputok.
Isa sa mga tututukan ay ang mga bata na kadalasang nabibiktima ng mga paputok.
Umaasa pa rin ang DOH na makakamit na nila ngayong taon ang “zero firecracker-related injuries” o kahit papaano ay mabawasan ang bilang ng mga nadadale ng mga paputok, sa panahon ng selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.