DOH-MGA OSPITAL MAY LOW RISK OCCUPANCY RATE PA

Maria Rosario Vergeire

KINUMPIRMA ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na nasa ‘low risk’ pa ang occupancy rate sa mga ospital sa bansa.

Pahayag ito ni Vergeire sa pangungumusta ng media sa sitwasyon sa mga ospital sa bansa at kung totoo bang napupuno muli ang mga pagamutan ng mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayong panahon ng Kapaskuhan at maraming tao ang lumalabas upang mag-shopping.

Ayon kay Vergeire, batay sa datos ng DOH ay nasa 36% ang occupancy rate “nationally” o sa buong bansa.

Aniya pa, maging ang occupancy rate sa National Capital Region (NCR) ay hindi pa nagtataas at nanatili pa rin sa low risk level.

Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na naghahanda ang DOH at ang health system lalo na kung magkakaroon ng “surge” o pagdagsa ng mga COVID-19 case.

Dagdag pa ni Vergeire, kailangang maging compliant o tumalima ang mga ospital sa buong bansa hinggil sa 30% bed capacity para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Aniya, ayaw ng DOH na maulit ang sitwasyon noong Hulyo at Agosto na halos napuno ang mga pagamutan kaya’t kahit nasa low risk pa sa ngayon ay mahigpit na ang paalala ng DOH sa mga ospital na maging handa.

Samantala, sa panig naman ni Philippine General Hospital (PGH) Director Dr.  Gap Legaspi, sinabi nito na kung iku-kumpara noon ay malaki pagkakaiba ang sitwasyon ngayon sa PGH.

Noong Hulyo at Agosto ay umaabot sa 200 kada araw ang naka-admit sa PGH dahil sa COVID-19.

Pero kasalukuyan aniya ay mas mababa na ang bilang ng mga pasyente lalo na ang nasa intensive care unit (ICU).

Tiniyak naman ni Legaspi na may leeway at nakahanda na ring mga kama ang PGH sakaling mangyari nga ang posibleng surge sa COVID-19 cases. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.