(DOH muling nagpaalala) PANIC BUYING NG FACE MASKS ‘DI DAPAT

Health Secretary Francisco Duque III

PINAYUHAN kahapon ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang publiko na huwag mag-panic buying ng face masks, sa kabila nang kumpirmasyong nakapasok na sa bansa ang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) na kumitil na ng mahigit 300 katao sa China at isang Chinese national pa sa Filipinas.

Ayon kay Duque, mas kailangan ng face masks ng mga taong dati nang may karamdaman at ng mga health worker na siyang humaharap at nag-aasikaso sa mga taong posibleng nahawahan ng naturang virus.

Matatandaang nagkakaubusan ng face masks sa mga pamilihan dahil na rin sa rami ng mga taong bumibili ng mga ito simula nang magkaroon ng ashfall nang sumabog ang Bulkang Taal, na nasundan pa ng kumpirmasyong may 2019-nCoV ARD na rin sa Filipinas.

Gayunman, sinabi ni Duque na hindi naman kailangan ng mga malulusog na indibiduwal na magsuot ng face masks sa lahat ng pagkakataon.

Ang higit aniyang nangangailangan ng mga ito ay ang mga taong dati nang may taglay na sakit, gayundin ang mga health worker.

“Ang priority natin dito ay healthcare workers. Sila talaga ang humaharap sa mga may sakit, at ‘yung matatanda na meron nang underlying medical problems,” ayon kay Duque, sa panayam sa radyo.  “Mahirap maubusan ng mask eh ‘yung mga taong na­ngangailangan, baka lalo tayong magkaproblema sa huli.”

Kasabay nito, muli rin namang ipinaalala ng kalihim na ang pinakamainam pa ring proteksiyon kontra nCoV ay kalinisan sa katawan at pag-iwas sa matataong lugar.

Mas mainam rin umanong ugaliing maghugas ng kamay o gumamit ng alcohol at palakasin ang resistensiya ng katawan.

Kung nakakaramdam naman ng mga flu-like symptoms ay dapat manatili na lamang sa tahanan at ugaliing magtakip ng bibig at ilong gamit ang tissue at pan­yo kung uubo o babahing. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.