DOH NAG-SORRY SA MALING COVID-19 REPORT

DOH

HUMINGI ng paumanhin ang Department of Health (DOH) kaugnay sa kanilang maling daily situationer reports sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na kumalat sa social media.

Nauna rito, napansin ng netizens ang maling bar graph at kaagad itong kumalat sa social media.

Kaagad din naman nag-sorry ang DOH sa publiko kasabay ng pasasalamat  na may nakapansin nito at tiniyak na ginagawa nila ang lahat para mapaghusay ang kalidad at accuracy ng kanilang mga materyales.

“Thank you to all who pointed this out. Rest assured that we, at the DOH, are continuously working and striving to improve the quality and accuracy of our materials,”  pahayag ng DOH.

Ipinaliwanag naman ng DOH na ang kanilang report ay base lamang sa isinusumiteng data ng health care faciliies at ng Local Government Units (LGUs).

“The timeliness and integrity of the national data are only as good as the submission of our partners on the ground—laboratories, hospitals, and LGUs,” dagdag pa nito.

Kaugnay rin nito, itinanggi naman ng DOH na nagkakaubusan na ng hospital bed sa Philippine General Hospital (PGH) na isa sa referral hospitals para sa COVID-19 patients.

Nilinaw ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng ulat na naglabas ng mensahe ang head ng PGH na si Dr. Gap Legaspi na nagsasabi na ilang ward ng PGH ang puno na ngayon.

Ayon kay Vergeire, ang naturang mensahe ay para dapat sa mga empleyado ng PGH at hindi naman dapat lumabas.

Subalit, aniya, hindi ito nangangahulugan na wala ng hospital beds na available para sa COVID patients. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.