BINALAAN ng Department of Health (DOH) ang publiko sa paggamit ng ilang pampaingay ngayong pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, kahit na mas ligtas ang mga torotot, may panganib pa ring idinudulot ito dahil sa maaaring malunok ang pito nito.
Gayundin, pinaalalahanan ni Domingo ang mga magulang na ilayo ang mga bata sa paggamit ng ilegal na paputok lalo na’t puwedeng makain o malunok ang mga kemikal nito.
Dahil dito, payo ni Domingo na kapag nakalunok o makakain ang bata ng kemikal mula sa paputok ay kailangang agad mapainuman ng hindi bababa sa anim na egg white bago dalhin sa ospital.
Base sa huling datos ng DOH, umakyat na sa 40 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok simula nitong Disyembre 21.
Mula sa nasabing bilang, dalawang kaso ay fireworks ingestion, 27 ang nasabugan at 4 sa mga ito ay blast with amputation.
Mayroong 13 katao ang nagtamo ng eye injury.
Napag-alaman na nangunguna pa rin sa sanhi ng mga aksidenteng ito ang mga ipinagbabawal na paputok tulad ng boga, kwitis, piccolo at triangle.
Comments are closed.